|
||||||||
|
||
MILF umaasang matatamo ang autnomiya tulad ng ipinangako
NANINIWALA si Vice Chairman Ghadzali Jaafar ng Moro Islamic Liberation Front na matatamo ng Bangsamoro ang ipinangakong autonomiya ng Pamahalaang Aquino ayon sa itinakdang panahon ng mga negosyador.
Sa isang panayam sa pamamagitan ng telepono, sinabi ni G. Jaafar na tapos na ang pagbabalik-aral ng mga dalubhasa sa Malacañang sa panukalang Bangsamoro Basic Law.
Ani G. Jaafar, bibigyang-diin ni Pangulong Aquino ang Bangsamoro Basic Law sa kanyang State of the Nation Address. Sa pagbibigay ng sipi ng Bangsamoro Basic Law sa Senado at Kongreso, masisimulan ang debate.
Idinagdag pa niya na umaasa silang makakapasa ito sa dalawang kapulungan ng Kongreso at magkakaroon ng referendum.
Sa oras na makapasa ang Bangsamoro Basic Law sa referendum, mabubuo na ang Bangsamoro Transition Committee na magiging transitional authority. Idinagdag pa ni G. Jaafar na umaasa siya at ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front na magkakaroon ng "smooth sailing" ang talakayan at pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law.
Ani G. Jaafar, matatamo na rin sa wakas ng mga Bangsamoro ang matagal nang minimithing autonomiya.
Ipinaliwanag pa niya na kasama ang mga indigenous people sa pagbalangkas ng Bangsamoro Basic Law kaya't walang dapat ipangamba na maiiwanan ang mga katutubo sa pagkakaroon ng autonomiya.
Pinawalang-saysay din ni G. Jaafar ang paniniwala ng ilan na sisiklab na muli ang madudugong sagupaan sa pag-itan ng mga Kristiyano at mga Muslim tulad ng naganap noong Dekada Sitenta.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |