|
||||||||
|
||
Kahilingan ni Gng. Janet Lim-Napoles, tinanggihan
TUMANGGI ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa kahilingan ni G. Janet Lim-Napoles na sumailalim siya sa protective custody ng kapulungan.
Sa isang pahayag na nilagdaan ni Arsobispo Socrates B. Villegas ng Lingayen-Dagupan, sinabi niyang ipinagpapasalamat niya ang pagtitiwala sa CBCP ni Gng. Napoles subalit hindi mapagbibigyan ang kanyang kahilingan dahilan sa mga batas ng Simbahan at ng Estado.
Sa mga batas ng Simbahan, walang autorisasyong ibinibigay sa mga kapulungan na maging "guarantor" sa mga hukumang sibil na ang akusado ay 'di tatalikod at laging dadalo sa paglilitis. Idinagdag pa ni Arsobispo Villegas na hindi nila batid kung itinatadhana sa ilalim ng civil law na ang nais ni Gng. Napoles na kanilang gampanan.
Nangangamba rin si Arsobispo Villegas na maaaring maging simula ito ng sunod-sunod na kahilingan mula sa mga akusado. Sa oras na pagbigyan nila ang kahilingan ni Gng. Napoles, walang dahilan upang tanggihan ang kahilingan ng iba pang mga akusado. Bukod sa malaking gastos ito, hindi na nila magagampanan ang mga gawain bilang kapulungan ng mga obispo sa bansa.
Bagaman, tiniyak ni Arsobispo Villegas na babantayan nila ang mga karapatan ni Gng. Napoles at iba pang mga akusado na iginagalang at mapapangalagaan tulad rin ng panawagan sa mga taga-usig na maging patas sa pagsasakadal sa mga pinaghihinalaan at mapanagot ang mga nagkasala ayon sa itinatadhana ng batas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |