|
||||||||
|
||
140801melo.mp3
|
Budget ng 2015 ni PNoy ay para sa halalan sa 2016
PANUKALANG BUDGET PARA SA 2015, PAGHAHANDA PARA SA HALALAN SA 2016. Ito ang paninindigan ni Prof. Leonor Magtolis Briones, dating National Treasurer ng Pilipinas matapos isumite ni Pangulong Aquino ang panukalang P 2.606 trilyong budget para sa susunod na taon. (Areopagus Social Media for Asia, Inc.)
NANINIWALA ang Social Watch Philippines na ang P 2.606 trilyon na panukalang budget sa 2015 ay paglalaan ng salapi sa 2016.
Ayon kay Prof. Leonor Magtolis Briones, kalahati ng budget ay tinatayang lump sums at Automatic Appropriations at maihahalintulad sa 2012 budget na ipinatupad bilang paghahanda sa darating na 2013 elections.
Pinagsisigla ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga pagawaing-bayan bago maganap ang halalan.
Idinagdag pa ni Prof. Briones na ang mga pagtatayo ng mga tulay at pagpapagawa ng mga lansangan ang nakakabuo ng pananaw na may kaunlarang nagaganap kahit pa nananatiling hamon kung paano mapapanatili ang kaunlaran sa mga susunod na taon.
Ang paggasta bago maghalalan ay nagbibigay ng implikasyon sa mga opisyal at mga partidong naghahangad ng posisyon sa mga susunod na halalan.
Ipinaliwanag pa ng propesora na sa politika sa Pilipinas, salapi ang nananaig sa bawat halalan sapagkat ang mga nakapuestong mga opisyal at partido ang nakalalamang sa kanilang mga katunggali. Ipapangalan sa kanila ang mga proyekto sa kanilang mga nasasakupan. Ang mga wala sa puesto ay madedehado sa halalan.
Ang paggasta ng Disbursement Acceleration Program, sa taong 2012, sa kainitan ng mga transaksyon at lump sum appropriations. Ang lump sums ay budget items na walang detalyes tulad ng Special Purpose Funds sa General Appropriations Act.
Maituturing na ang halos kalahati ng 2015 budget ay lump sums sapagkat walang detalyes at mekanismo para sa pananagutan kung paano magagasta ang salaping ito. Naniniwala ang Social Watch Philippines na malaki ang posibilidad na maabuso ito.
Dagdag pa ni Professor Briones, aabot lamang sa P 1.739 trilyon ang saklaw ng General Appropriations Act samantalang ang nalalabi Automatic Appropriations kaya't hindi masusuri ng Kongreso. Ang Special Purpose Fund ni Pangulong Aquino ay P 378 bilyon, samantalang ang Unprogrammed Expenditures ay P 123 bilyon at ang Internal Revenue Allotment ay 389 bilyon. Samantala ang interest payments o pagbabayad ng interes sa mga pagkakauntang ay P 372 bilyon. Hindi pa kabilang ang Malampaya Funds na mayroong automatic appropriations at ang Off Budget Funds tulad ng Motor Vehicles Users' Charge at ang mga nagmumula sa PAGCOR.
Ang pagdaragdag ng mga alokasyon sa mga ahensyang ito para sa social development tulad ng health, education at employment na itinataguyod ng Social Watch Philippines bilang kapalit ng mga pagkalalaking halaga sa lump sums. Kailangang magkaroon ng regular reports sa paggasta na magpapakita ng transparency at accountability sa paghahanap ng salapi ng pamahalaan.
Ayon kay Professor Briones, ang pagkakaroon ng malalaking halaga sa budget tulad ng ipinapanukala isang taon bago sumapit ang halalan ang siyang magbubukas nito sa pang-aabuso.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |