|
||||||||
|
||
Pangrehiyong usapin, paksa sa pagtitipon ng FOCAP
IGAGALANG NG PILIPINAS ANG DESISYON NG ARBITRAL TRIBUNAL. Sinabi ni Kalihim Albert F. del Rosario na igagalang ng Pamahalaan ng Pilipinas ang anumang desisyong magmumula sa Arbitral Tribunal. Inaasahan niyang maglalabas ng desisyon ang tribunal sa darating na Enero o Pebrero ng 2016 matapos ang oral arguments na nakatakda sa ikawalo at ika-20 ng Hulyo 2015. Magtatagal ng anim na buwan bago maglabas ng anumang desisyon, dagdag pa ni Secretary del Rosario. (Melo M. Acuna)
PAKIKIPAGKAIBIGAN NG TSINA SA ASIA, UMUUNLAD. Ito ang sinabi ni G. Chito Sta. Romana, pangulo ng Association of Chinese Studies sa pagtitipong itinaguyod ng FOCAP kanina. May mga nakalaang development projects para sa ASEAN at may ipinahihiram ding salaping aabot sa US$20 bilyon para sa mga kalapit-bansa. (Melo M. Acuna)
PINAG-USAPAN sa isang talakayan ng Foreign Correspondents Association of the Philippines ang mga isyung bumabalot sa South China Sea o West Philippine Sea.
Nagbigay ng keynote speech si Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario at nagsabing igagalang ng Pilipinas ang anumang magiging desisyon ng arbitral tribunal na inaasahan din niyang mailalabas sa darating na Enero o Pebrero ng susunod na taon. Handa umano ang Pilipinas na magtanghal ng kanyang posisyon sa oral arguments na nakatakdang gawin sa darating na ika-walo at ika-20 ng Hulyo. Magtatagal umano ng anim na buwan bago maglabas ng desisyon ang tribunal.
Isang payapang paraan ang pagtutungo ng Pilipinas sa arbitral tribunal sapagkat nagkaroon na rin naman ng pagtatagumpay sa nakalipas na ilang sigalot sa iba't ibang bansa. Saklaw umano ng United Nations Convention on the Law of the Sea na siyang Saligang Batas ng mga Karagatan (ang isyu).
Sa panig ni G. Chito Sta. Romana, pangulo ng Association of Chinese Studies, na mayroong dalawang mahalagang sandigan ang foreign policy ng Tsina tulad ng pagkakaroon ng payapang pagpapa-unlad at maganda at malalim na pakikipagkaibigan sa mga kalapit-bansa. Ipagtatanggol din ng Tsina ang buod ng kanilang interes tulad ng soberenya, seguridad at pagpapaunlad.
Ayon kay G. Sta. Romana, noong Hulyo ng 2013, sinabi ni Pangulong Xi Jinping na susunod ang Tsina sa daan ng payapang pagpapaunlad subalit 'di kailanman lilimutin ang lehitimong karapatan at interes at hindi rin tatalikdan ang pambansang interes.
Noon umanong Oktubre ng 2013, nagpatawag ng isang mahalagang pulong si Pangulong Xi upang higit na mapahusay at mapalalim ang pakikipag-kaibigan sa mga kalapit-bansa. Noong nakalipas na Nobyembre, matapos ang mga pakikipagkaibigan sa Europa at Africa, isang mahalagang pulong ang idinaos upang mapaunlad ang pakikipagkaibigan sa mga taga-Asia.
Nakita ang pagbabago ng relasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas ng mag-usap sina Pangulong Benigno Simeon C. Aquino at Pangulong Xi Jinping sa katatapos na Asia-Pacific Economic Cooperation Summit na naganap sa Beijing. Nagkausap na rin sina Pangulong Xi at G. Shinzo Abe ng Japan sa APEC na naging dahilan ng high-level dialogue.
Binigyang-diin ni G. Sta. Romana na nagparamdam din ang Tsina sa pamamagitan ng Asian Infrastructure Bank na pinaglaanan ng US$50 bilyon at ang Brazil-Russia-India-China-South Africa development Bank. SInimulan din ng Tsina ang "New Silk Road" para sa mga bahagi ng iba't ibang bansa mula sa lupa hanggang sa karagatan. Nag-alok din ang Tsinan g US$20 bilyon sa mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations.
Layunin ng Silk Road Economic Belt ang koneksyon ng Tsina sa Central Asia at Europa samantalang layunin ng 21st Century Maritime Silk Road na magkaroon ng koneksyon ang Tsina sa Indian subcontinent, Gitnang Silangan, Africa at maging Europa.
May programa silang paunlarin ang daungan sa Kuwantan, sa silangang baybay-dagat ng Malaysia, magkaroon ng high-speed railroad mula Tsina haggang Laos, Thailand, Malaysia at Singapore. Magtatayo din sila ng isang malaking daungan sa Sri Lanka at isang high-speed railroad.
Samantalang ang Estados Unidos ang dominant power sa rehiyon, unti-unting nababawasan ang kanilang impluensya sa unti-unti at tiyak na pag-angat ng Tsina. Ang pag-uunahan ng Estados Unidos at Tsina ay nagpapatuloy pa rin. Kung sino man ang magkakaroon ng control sa karagatan ang magkakaroon ng poder sa rehiyon. Layunin ng America na manatili sa posisyon subalit layunin ng Tsinang madama ang kanilang presensya sa mga malalapit na karagatan.
Sa kanyang pananaliksik, sinabi ni G. Sta. Romana na kailangang magkaroon ng base o himpilan para sa kanilang mga radar system at intelligence-gathering activities para sa kanilang mga mamamayan at bansa. Sa ginagawang dredging, unti-unting nababago ang anyo ng mga batuhan. Layunin ng Tsinan a matapos ang kanilang reclamation project bago pa man magdesisyon ang international tribunal at mabuo ang Code of Conduct ng mga bansang kabilang sa ASEAN at Tsina.
Nakikita rin ni G. Sta. Romana na magpapatuloy ang reclamation project samantalang ang mga artificial islands ay magiging malaking isyiu sa relasyon ng dalawang bansa. Gagamitin din ng Tsina ang diplomasya at economic incentives upang isulong ang incentives sa mga lalahok.
Kabilang sa mga nagsalita sina Congressman Francisco Ashley L. Acedillo ng Magdalo Party List, Professor Jose Antonio Custodio at si Atty. Henry Bensurto ng Department of Foreign Affairs.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |