|
||||||||
|
||
Pamahalaan, kumikilos laban sa human trafficking
MAY kampanyang inilunsad ang pamahalaan laban sa human trafficking. Ito ang sinabi ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration sa idinaos na press briefing sa Manila Diamond Hotel matapos ang opening ceremonies ng "Manila Conference on Migration 2015".
Tinatalakay sa kampanya ang mga posibleng maganap sa mga taong lalabas ng walang kaukulang papeles at tiyak na paglilingkuran. Mayroong malawakang public information campaigns hindi lamang para sa mga nagnanais maghanap ng trabaho sa ibang bansa kungdi ang mga magtatapos ng kolehiyo ay kanilang binibigyan din ng kaukulang impormasyon.
Ipinaliliwanag ang kahalagahan ng pagtataglay ng maayos at legal na mga dokumento at pagdaan sa mga lehitimong ahensya at rehistradong banyagang paglilingkuran na nakatala sa POEA.
Kailangang magkaroon ng kontrata, visa at overseas employment certificante bago umalis ng bansa. Sa pagdaan sa legal at lisensyadong recruiter, magkakaroon ng pananagutan ang mga nangalap ng manggagawa kung magkakaroon ng anumang problema.
Mayroon ding Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS) na nilahukan na ng higit sa isang milyong Filipino sa nakalipas na tatlong taon. Mayroon ding bersyon nito sa internet na naglalaman ng walong bahagi. Mayroong 200,000 katao na ang nakapanood ng online seminar matapos ilunsad noong nakalipas 2014.
Mayroon na rin silang smartphone application at madaling makukuha ang gma gabay laban sa mga ilegal na recruiter, talaan ng mga lisensyadong ahensya atbp. Kasama na rin sa smart phone application ang kalagayan o katayuan ng isang banyagang employer. Mayroon na ring Twitter at Facebook accounts at litaw na sa social media ang kanilang tanggapan at mga paglilingkod.
Sapat naman ang ipinararating na tulong ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan sa kanilang kampanya upang maibsan ang human trafficking, dagdag pa ni Administrator Cacdac. Umabot na sa dalawang milyon ang kanilang nararating sa mga seminar at social media.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |