|
||||||||
|
||
150519melo.mp3
|
Special Report
Mga Obispo, nakiisa sa mga nagdadalamhati sa Valenzuela
HINDI kailanman sapat ang magkaroon ng hanapbuhay. Mahalagang ligtas sa anumang kapahamakan ang hanapbuhay ninoman sa daigdig.
Ito ang lumabas na nagkakaisang pahayag ng ilang mga obispo ng Pilipinas bilang reaksyon sa malagim na sunog na ikinasawi ng may 72 mga manggagawa sa Valenzuela City noong Miyerkoles ng nakalipas na linggo.
Sinabi ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza at ng "Church People and Workers in Solidarity, Reclaim the Dignity of Human Work" na ang naganap na sunog ang nagpapakita ng malubhang mga usaping may kinalaman sa occupational safety sa maraming mga pagawaan sa buong bansa.
Sa pagkasawi ng maraming manggagawa nakikita ang kakulangan ng maayos paraan ng pagsusuri sa kalagayan ng mga manggagawa kaya't bukod sa pang-aabusong nakakamtan ng mga manggagawa ay nananatili silang nanganganib.
Hindi ito ang kauna-unahang sunog na ikinasawi ng mga manggagawa sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na nanungkulan mula noong ika-30 ng Hunyo, 2010.
Ani Bishop Alminaza, noong ika-siyam ng Mayo, 2012, 17 mangggawa ng Novo Jeans and Shorts sa Butuan City ang namatay sa isang malagim na sunog.
Noong ika-30 ng Abril, 2014, walong manggagawa ng Asia Micro Tech sa Pasay City ang nasawi rin sa sunog.
Idinagdag pa ni Bishop Alminaza na karaniwang 'di na napapansin ang mga malalagim na pangyayaring ito at hindi napapanagot ang may pagkukulang at kasalanan. Higit na nakalulungkot na walang isa mang mangangalakal na napatunayang nagkasala at nakulong sa pagkasawi ng kanilang manggagawa.
Ang paglabag sa occupational health and safety standards na ikinasasawi ng mga manggagawa ay isang krimen tulad na itinatadhana ng Gaudium et Spes, 27.
Kinondena rin ni Bishop Alminaza at ng kanyang samahan ang patuloy na paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng anti-labor policies. Nagaganap pa rin ang contractualization sa mga pabrika sa buong bansa.
"Upang higit na kumita mula sa mga manggagwa, ang pamahalaan at pribadong sektor ay natutuon ang pansin sa contractual labor at flexible employment," dagdag pa ni Bishop Alminaza. Sa paraang ito, nabubuwag ang mga unyon at nalalansag ang proteksyon at mga benepisyo ng mga regular na manggagwa. Ibinalita na rin ng Department of Labor and Employment ang mga paglabag ng Kentex sa batas tulad ng pagpapasahod ng P 202 sa bawat 12 oras na trabaho pitong araw isang linggo nang walang kaukulang overtime pay.
Binanggit din ni Bishop Alminaza ang pahayag ni ILO Director General Guy Ryder na magiging ganap na ligtas ang mga manggagawa sa pagkakaroon ng regular na inspeksyon ng mga pabrika upang matiyak na sumusunod sila sa batas. Ito rin ang panawagan ni Pope Francis, dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Para kay Novaliches-Bishop Emeritus Teodoro Bacani, isang kasapi ng 1987 Constitutional Commission, nararapat lamang na pahalagahan ang mga manggagawa kaysa inaasahang tubo. Ito ang nararapat maging maliwanag sa mga nasa pamahalaan at larangan ng kalakal, dagdag pa ni Bishop Bacani.
Sinabi naman ni Malaybalay Bishop Jose Cabantan na isang chemical engineer bago pumasok sa seminaryo, hindi talaga sapat ang pagkakaroon ng trabaho sapagkat kailangang bigyan ng halaga ang kaligtasan ng manggagawa.
"Ang pinagtatrabahuhan ng isang tao ang kanyang ikalawang tahanan kaya't nararapat itong manatiling ligtas," ayon kay Bishop Cabantan na naglingkod noon sa isang minahan. Sa ganitong paraan, higit na napapahalagahan ang pagkatao ng manggagawa.
Maliwanag umano sa doktrina ng Simbahan, ang Laborem Exercens, na nararapat lamang kilalanin at igalang ang kahalagahan ng mangggagawa kaysa kapital, dagdag pa ni Bishop Cabantan.
Mula naman sa isang mahirap na prelatura, sinabi ni Bishop Martin Jumoad ng Isabela de Basilan na karamihan ng mga manggagawa, partikular ang mga hindi nakatapos na high school ay napipilitang tumanggap ng hanapbuhay kahit pa may kaakibat na panganib upang makatulong sa kanilang mga pamilya.
Mahalaga lamang para sa pamahalaan na bantayan, suriin at tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa mga pabrika at iba pang pinaglilingkuran upang huwag nang maulit ang trahedyang naganap.
Idinagdag pa ng obispo na kailangan lamang na mahigpit na ipatupad ang mga batas matiyak lamang ang kaligtasan ng lahat.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |