|
||||||||
|
||
MGA MANGANGALAKAL, MANGGAGAWA AT PAMAHALAAN, MAY MAHALAGANG PAPEL SA KAUNLARAN. Ito ang sinabi ni Vice President Jejomar C. Binay sa kanyang talumpati sa harap ng 36th National Conference of Employers ng ECOP kanina. (Larawan ni Melo M. Acuna)
PINURI ni Vice President Jejomar C. Binay ang mga opisyal ng Employers Confederation of the Philippines, Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, ang Philippine Chamber of Commerce and Industry at mga mangagawa sa kanya-kanyang papel na ginagampanan upang mai-angat ang bansa sa kahirapan.
Sa kanyang talumpati sa idinaos na 36th National Conference of Employers, sinabi ni G. Binay na ang pamahalaan ang siyang "catalyst of growth" na inaasahang mag-aangat sa lahat ng sektor ng lipunan. Sa pagkakaroon ng pagpapaunlad ng physical infrastructures, magkakaroon ng mas malawak na oportunidad ang iba't ibang sektor at magkakaroon ng produksyon.
Idinagdag pa niya na ang mga paliparan, lansangan at mga tulay at mass transport at mga daungan ay kailangang magkaroon ng interconnection upang mapadali ang komersyo at mas marami ang magnenegosyo at magkakaroon ng pagkakataon ang mahihirap na magamit ng maayos ang kanilang salapi.
Hindi ito magaganap kung mananatiling mataas ang kuryente sa Pilipinas na pumapangalawa sa Japan. Ang problemang ito ang "disincentive" sa mga gustong magnegosyo sa Pilipinas. Mayroon pa ring mga komunidad na walang maayos na water system.
Malaki ang mapapakinabangan sa Public-Private Partership subalit hindi naman ito nagagamit ng maayos. Hindi rin napakikinabangan ang pagsasaka sapagkat unti-unti nang nawawala ang kita ng mga magsasaka kaya't nababawasan na rin ang mga nagsasaka.
Kailangan ding pagtuunan ng pansin ang health services sapagkat nabatid niyang may namatay na pasyente sa isang ospital sa Bicol dahil sa tetanus.
Hangad umano ni G. Binay na magkaroon ng mas maraming trabaho at higit na malawak ang makikinabang sa kaunlarang natatamo ng Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |