|
||||||||
|
||
Naitalang 5.2% growth sa GDP mas mababa sa inaasahan
INAMIN ni Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan na mas mababa sa kanilang inaasahan ang natamong growth rate ng Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2015.
Sa kanyang talumpati sa idinaos na economic briefing, sinabi ni Kalihim Balisacan na nakamtan ng Pilipinas ang 5.2% Gross Domestic Product growth sa unang tatlong buwan ng taong 2015. Aniya, mula ang ulat sa Philippine Statistics Authority.
Bumagal ang paglago mula sa 6.6 % noong huling tatlong buwan ng 2014. Target ng pamahalaan na makamtan ang kaunlarang mula 7 hanggang 8% sa Gross Domestic Product para sa 2015 at mas mataas kaysa 6.5 hanggang 7.5% na target na itinakda noong 2014.
Kahit pa matatag ang kaunlarang natatamo ng pribadong sektor, ang mas mabagal kaysa nakatalang bilis ng paggasta ng pamahalaan, partikular sa pagbabawas ng mga proyekto sa pagawaing-bayan (infrastructure), ang siyang nagpabagal ng pangkalahatang kaunlaran sa ekonomiya.
Nabalam ang paggasta ng pamaalaan at hindi pa nakikita ang epekto ng mga inilabas na salapi ng Department of Budget and Management sa national income accounts.
Ang pagkakaroon ng 4.8% growth sa paggasta ng pamahalaan ay mas maganda kaysa nakamtan noong 2014 dahilan sa dagdag na 19.2% sa disbursements para sa maintenance and operating expenses sa social protection program, bottom-up budgeting projects at sa pagiging punong-abala ng Pilipinas sa Asia-Pacific Economic Cooperation Meetings.
Bagaman, naniniwala si Kalihim Balisacan na higit na lalago ang ekonomiya sa susunod na tatlong quarters. Ang pagkilos ng pribadong sektor ay nananatiling masigla at nagkaroon ng paglago sa private construction na kinatagpuan ng 14.2% mula Enero hanggang Marso.
Ang pinakahuling business confidence index mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas ay umakyat sa 58.2% mula sa 43.1% noong nakalipas na survey. Nananatiling 5.4% ang pag-unlad sa household consumption.
Ayon sa 2015 Consumer Expectation Survey, ang consumer sentiment ay umunlad dahil sa matatag na halaga ng mga paninda, pagbaba ng presyo ng petrolyo at pagkakaron ng mas maraming trabaho, mas mataas na bilang ng mga nagkatrabaho sa pamilya at halos walang kalamidad na naganap.
Mataas pa rin ang business at consumer confidence sa ekonomiya kaya't umaasa ang pamahalaan na makakamtan ang growth targets sa Pilipinas ngayong 2015.
Ipinaliwanag pa ni Kalihim Balisacan na sa ulat ng Department of Budget and Management, magiging mas mabilis ang kanilang paglalabas ng salapi. Magaganap ang mas mataas na paggasta ng pamahalaan na siyang magsusulong ng kaunlaran sa ekonomiya.
Pinakamataas pa rin ang nagawa ng Aquino Administrastion sa loob ng nakalipas na taon mula noong dekada sitenta na siyang nagpapakita na ang suporta ng pribadong sektor sa magandang pamamalakad ng pamahalaan at economic reforms ang kaaya-aya para sa madla.
Kailangang pakinabangan ng mas nakararami ang anumang kaunlarang magaganap sa bansa, dagdag pa ni Kalihim Balisacan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |