|
||||||||
|
||
Dating Pangulong Arroyo, matatagalan pa sa pagamutan
MANANATILI pa sa Veterans Memorial Medical Center si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos hilingin ng Sandiganbayan sa kanyang mga abogado na magsumite ng mga larawan ng dalawang tahanan nais niyang tirhan samantalang nahaharap siya sa kasong plunder.
Itinakda ng Sandiganbayan First Division ang pagdinig sa susunod na Huwebes matapos magsumite ang magkabilang panig ng mga dokumento sa mosyon ng defense panel na luwagan ang custodial arrangement sa dating pangulo at mapasailalim sa house arrest.
Ayon sa mga abogado ng dating pangulo, ang kanyang pamamalagi sa Veterans Memorial Medical Center ang nagpasama sa kanyang kalusugan at ang pagbabago sa kapaligiran ang makatutulong sa kanyang paggaling sa sakit sa buto.
Sa kawalan ng ebidensya, hiniling ng hukuman kay Atty. Laurence Arroyo na magsumite ng mga larawan ng mga tahanan ng dating pangulo sa La Vista, Quezon City at sa Lubao, Pampanga.
Si Gng. Arroyo ay kasalukuyang mambabatas ng isang distrito sa Pampanga.
Sinabi ni Division Chairman Associate Justice Efren dela Cruz na posibleng magsagawa ng ocular inspection ang hukuman sa mga ari-ariang ito. Hiniling din ng hukuman ang mga pangalan ng mga kasapi sa homeowners association at latest medical bulletin mula sa kanyang mga manggagamot ng pamahalaan upang mabatid ang kanyang kalagayan.
Nais mabatid ng hukuman kung mananatiling ligtas sa ilalim ng house arrest sa La Vista o sa kanyang bayan sa Lubao, Pampanga. Inamin ni Atty. Arroyo na nasa 1,000 hanggang 2,000 metro kwadradong ariarian katabi ng mga tahanan sa subdivision.
Isang alternatibo ang 500 metro kwadradong ari-arian sa Lubao na may 200 metro lamang ang layo sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. Kinontra ng pag-uusig ang kahilingan ng dating pangulo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |