|
||||||||
|
||
Term limits kailangan upang maiwasan ang pag-abuso
PINAALALAHANAN ng Malacanang si Vice President Jejomar C. Binay na ang term limits para sa mga pangulo ng bansa ay ipinatutupad upang maiwasan ang anumang pag-abuso.
Nabanggit ni G. Binay kahapon na hihilingin niyang alisin ang term limits sa lahat ng mga nahalal na opisyal sapagkat nararapat silang manatili sa puwesto samantalang gusto pa ng mga mamamayan.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio "Sonny" Coloma, Jr. na ang term limits ay ipinatutupad dahilan sa masamang karanasan ng mga mamamayan sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na tumakbong muli ay nanatili sa poder sa loob ng 20 taon sa gitna ng mga paglabag sa karapatang pangtao.
Pinakamahalaga, ani Kalihim Coloma na iisang termino lamang ang paglilingkuran ng pangulo at nararapat marinig ang tinig ng mga mamamayan sa isyung ito.
Sinabi rin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na si Pangulong Aquino ay nagdadalawang-isip na alisin ang term-limits. Makailang ulit na umanong sinabi ni Pangulong Aquino na magbubukas ito ng daan sa mga diktador na makaaabuso sa kaban ng bayan. Ito rin ang pagkabahala ng mga bumuo ng Saligang Batas noong 1987.
Ang pag-aalis ng term limits ay maaari ding maging daan ng mga political dynasties na manatili ng matagal sa poder.
Si G. Binay ay naghahanda para sa panguluhan sa 2016 at nagsimulang bumatikos sa administrasyon matapos magbitiw sa gabinete noong nakalipas na buwan.
Naunang sinabi ni G. Binay na ang anim na taon ay napakatagal sa isang masamang pangulo subalit napakaiksi para sa matinong pinuno. Nais niyang magkaroon ng apat na taong termino ang pangulo at mayroong opsyon na tumakbong muli sa panguluhan.
Nangangamba naman si Pangulong Aquino na baka may gumaya sa ginawa ni G. Ferdinand Marcos noong dekada sitenta.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |