|
||||||||
|
||
Kasunduan ng pamahalaan at MILF, kikilalanin
TINIYAK ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza kay Moro Islamic Liberation Front Chairman Hadji Murad Ebrahim kanina na kikilalanin ng Duterte Administration ang mga napagkasunduan ng pamahalaan at ng MILF.
Dumalaw si Secretary Dureza sa punong himpilan ng Moro Islamic Liberation Front sa Sultan Kudarat ilang araw bago sinang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang balak ng pamahalaan hinggil sa kapayapaan sa ilalim ng panibagong road map.
Nangako rin si Chairman Murad na pahahalagahan nila ang pangako sa pamahalaan na pananatiliin ang lahat ng mga napagkasunduan sa mga nakalipas na panahon.
Sumang-ayon si Pangulong Duterte noong lunes sa bagong peace road map na katatampukan ng lahat ng Moro na gumawa ng panukalang batas na ipapalit sa Bangsamoro Basic Law.
Ang BBL ang siyang batas na nagmula sa Comprehensiver Agreement on the Bangsamoro, ang kasunduang nilagdaan ng pamahalaan at ng MILF noong panahon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Hindi nga lamang nakapasa sa Kongreso ang panukala.
Babaguhin ang bumubuo ng Bangsamoro Transition Committee na napapaloob sa CAB at katatampukan ng mga kinatawan ng MILF, MNLF, Autonomous Region in Muslim Mindanao at iba pang grupo ng mga Bangsamoro.
Sinabi ni G. Dureza na umaasa siyang magtatagumpay ang mga adhikaing pangkapayapaan ng pamahalaang Duterte.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |