|
||||||||
|
||
Libingan ng mga Bayani, para sa mga bayani at 'di sa mandarambong
NANINDIGAN si Albay Congressman Edcel Castelar Lagman na ang Libingan ng mga Bayani ay isang pook para sa mga bayani at hindi para sa mga diktador at mandarambong. Ito ang buod ng kanyang talumpati bilang pagkontra sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipalibing at bigyan ng luksang parangal ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa kanyang talumpati sa Mababang Kapulungan kanina, sinabi niya na si Marcos ay isang madarambong, isang diktador ay may kinalaman sa mga pagpaslang at pagpapatahimik ng mga kritiko noong ipatupad ang Martial Law.
Hindi kailanman nararapat ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani na nakalaan lamang para sa mga tunay na bayani at makabayan at sa mga kinikilalang bayani at makabayan sapagkat walang anumang bahid ang kanilang personal records.
Sinabi pa ni G. Lagman na kahit ang kamatayan ang kinikilalang "great equalizer" mayroon pa ring pagtatangi sa kasaysayan para sa mga taong namatay na diktador at malupit na pinuno ng bansa.
May kinalaman umano si Marcos sa pagkamatay ng libu-libo sa pagkilos ng kanyang pamahalaan laban sa mga 'di sang-ayon sa kanyang ginagawa, pagpapasara ng mga pahayagan, telebisyon at radyo upang sagkaan ang kalayaan at ang paglobo ng pagkakautan ng bansa at pagbagsak ng ekonomiya noong kapanahunan ng diktador.
Hindi umano ito maitatanggi sapagkat mayroong mga nakatalang impormasyon sa mga pagkakasala ni G. Marcos, dagdag pa ni Congressman Lagman.
Anang mambabatas, sinabi pa ni Pangulong Duterte noong nakalipas na State of the Nation Address na ang mga tayong nagtaksil sa bayan ay hindi nararapat makalusot sa parusa sapagkat darating din ang araw ng kanyang pananagutan. Taliwas umano ang pahayag na ito sa desisyong ipalibing si Marcos sa pook na nakalaan para sa mga tunay na bayani ng bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |