|
||||||||
|
||
Mga obispo, nalungkot sa desisyon ng Korte Suprema
HINDI nakalilimot ang mga mamamayan at ang mga obispo.
Sa isang pahayag na inilabas ngayon, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas sa naging desisyon ng Korte Suprema na pumapayag na mailibing ang labi ng diktador na si Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Isa na naman umanong hakbang ang bagay na ito upang magkaroon ng kultura ng walang kaparusahan sa mga nagkakasala.
Hindi kailanman bayani si G. Marcos, ani Arsobispo Villegas na pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Hindi kailanman nararapat ilarawan ang dating pangulo bilang bayani.
Idinagdag pa ng arsobispo na maraming nasawi at naghirap sa mga pasakit ng mga kawal noong Martial Law sa ilalim ng G. Marcos. Maraming nagdarahop noong panahon ng batas militar samantalang nananagana ang kanyang pamilya at mga kasapakat.
Hindi umano ito basta malilimot at hindi nila papayagang mabaan sa limot ang pangyayaring ito. Hindi nila papayagang maganap na muli ang paghahari ng diktadura sa bansa.
Ang mga nagkasala'y nararapat lamang panagutin. Marapat lamang umamin sa kanilang pagkakasala ang mga naghari noong panahon ng batas militar. Walang anumang pag-amin mula sa panig ng mga Marcos at hindi pa rin nabibigyan ng kaukulang benepisyo. Ito ang hinihingi ng katarungan.
Hindi magkakaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa paglilibing sa dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani at maghahari lamang ang kapayapaan kung maghahari ang katarungan.
Kasama ang Simbahan sa pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa ayon sa katotohanan at katarungan para sa lahat, lalo na sa mahihirap at mga naging biktima.
Tunay na nakalulungkot sapagkat ang paglilibing sa Libingan ng mga Bayani ay insulto sa EDSA. Naguguluhan ang simbahan, nasasaktan at nagluluksa. Nananawagan din ang panahon sa pagkakaroon ng higit na lakas ng loob upang mabunyag ang tunay na katotohanan hinggil sa diktadura.
Hindi malilimot at kailanman ay 'di malilimot ang mga naganap noong panahon ni Marcos, dagdag pa ni Arsobispo Villegas.
| ||||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |