|
||||||||
|
||
Sa pagwawagi ni Donald Trump, madaragdagan ang kawalan ng katiyakan
IBA ANG PANANALITA NI G. TRUMP. Para kay retired Commodore Rex Robles, gitna, isang "loose canon" si G. Donald Trump kaha't mahirap basahin. Para kay G. Robles, sa pagwawagi ni G. Trump, dapat pagbalik-aralan ng Pilipinas ang mga detalye ng foreign policy nito. Kabilang din sa mga dumalo sa Wednesday Roundtable @ Lido si dating Congressman at Ambassador Jose Apolinario Lozada (kaliwa) (Melo M. Acuna)
NANGANGAMBA ang mga dalubhasa sa larangan ng foreign relations na mahirap mabasa kung paano tatratuhin ng Estados Unidos ang Pilipinas kung si G. Donald Trump ang magwawagi sa panguluhan.
Ito ang lumabas na pananaw ng lahat ng dumalo sa Wednesday Roundtable @ Lido kaninang umaga.
Sa panig ni UP Asian Center Professor Aileen Baviera, mas maliwanag ang programa ni Democrat presidential aspirant Hillary Clinton kaysa mga programa ni G. Trump.
Nakikita ni Prof. Baviera na ang kombinasyon ni G. Trump at Pangulong Duterte ay hindi kaaya-aya sa foreign policies ng Pilipinas. Ipinaliwanag niyang walang katiyakan ang takbo ng pamahalaan kung foreign policy ang paguusapan kaya't ang pagluklok ni G. Trump sa panguluhan ay magiging dahilan ng mas maraming suliranin.
Maliwanag umano ang mga programa ni Gng. Clinton at isa siya sa mga na sa likod ng American re-balance policy at maliwanag din ang kanyang paninindigan sa Tsina. Kung ipagtatanong umano sa mga Tsino, mas gugustuhin nila si Gng. Clinton kay G. Trump sapagkat mahuhulaan nila ang takbo ng utak ng dating American first lady.
Idinagdag pa ni Prof. Baviera na sakaling maproklama si G. Trump na pangulo ng America, darating ang pagkakataong hindi mahuhulaan ang pamamalakad ng America sa maraming rehiyon ng daigdig na kinabibilangan ng Silangang Asia at ng mga kaalyado nito tulad ng Pilipinas.
Para kay dating Congressman at Ambassador ng Pilipinas sa Palau Jose Apolinario Lozada, Jr. walang pakinabang ang Pilipinas sinoman ang magwaging pangulo ng America.
Kung si G. Trump ang magwagi, mahihirapan ang mga Filipinong makipagnegosyo sa America sapagkat mas gusto ni niya ang domestic market. Kung si Mrs. Clinton naman ang magwagi, iba rin ang kanyang programa.
Kung papipiliin kung sino ang mas gusto niyang magwagi, sinabi ni G. Lozada na mas nais niyang magwagi si Gng. Clinton sapagkat mas maliwanag ang kanyang tayo sa foreign policy.
Ito rin halos ang pananaw ni retired Commodore Rex Robles, isa sa mga nagtatag ng Reform the Armed Forces Movement, na isang loose canon si G. Trump kahit sa kanyang sarili. Sa pagwawagi ni G. Trump, kailangang pagbalik-aralan ang lahat.
Sa panig ni security and defense consultant Jose Antonio Custodio, kung si Gng. Clinton ang magwawagi, kailangang mag-ayos ang Pilipinas ng ilang mga polisiya at programa nito.
Kung si Gng. Clinton ang magwawagi, kailangang kilalanin ng pamahalaang Duterte na isang beterana sa larangan ng international affairs at politika tulad ng mga programang nagbago sa mga pamahalaan tulad ng naganap sa iba't ibang bansa.
Kailangang paghandaan ang mgfa epekto nito at kailangang maging mapanuri ang mga dalubhasa sa Pilipinas, dagdag pa ni G. Custodio.
| ||||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |