|
||||||||
|
||
Pangingikil, nakabiktima na ng may 11 Tsino
NAGKAROON ng 11 kaso ng "tokhang for ransom" na ginawa ng mga pulis na lumalabag sa batas kasunod ng pinag-ibayong kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga. Ito ang isa sa mga nangungunang balitang lumabas sa mga pahayagan sa Metro Manila.
Ayon kay Teresita Ang See, isa sa mga nagtatag ng Movement for the Restoration of Peace and Order, nagbayad ng ransom ang lahat ng biktima sa halip na maharap sa mga kasong may kinalaman sa droga kahit pa walang kinalaman ang mga biktima sa ilegal na droga.
Kinilala ni Ang See ang mga pulis na nagmula umano sa Maynila. Ang ilan ay nagpakilalang tauhan ng National Bureau of Investigation subalit 'di nila mabatid kung talagang mga tauhan nga ng NBI. Dalubhasa ang mga grupo sa pagkuha ng search warrants at sa halip na maghalughog, humihingi na sila ng ransom sa mga biktima.
Ang mga bagong biktima ay hindi mga Tsinoy kungdi mga Chinese nationals. Ang isang kaso ng "tokhang for ransom" ay naganap sa isang hotel sa Binondo noong ikapito ng Nobyembre. Nagbayad ang pamilya ng Tsino ng halagang P 1 milyon.
May mga ebidensyang makakalap upang malitis ang mga salarin tulad ng CCTV footages subalit tumanggi na ang pamilya ng biktimang makipagtulungan.
Idinagdag pa ni Ang See na sumama ang Chinese national sa mga pulis na humingi ng P 3 milyon kapalit ng kanyang kalayaan. Matapos ang dalawang araw, isang kapatid ng biktima ang dumating at nagbayad ng isang milyong piso.
Nagsagawa umano ng serveillance activities ang mga pulis sa loob ng ilang araw at nabatid na sangkot sa illegal drug activities. Imposible umanong gumawa ng surveillance ang mga pulis sa biktima sapagkat dumating ang Chinese national noong ika-anim ng Nobyembre at dinakip na lamang noong ika-pito ng Nobyembre.
Ang mga informant at assets ng mga pulis ang siya ring kasama sa police operations. May apat na pagkakataong gumamit pa ng search warrants.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |