|
||||||||
|
||
Pahayag ng Human Rights Watch, walang katotohanan
WALANG katotohanan ang pahayag ng Human Rights Watch na nagsimula na ang kawalan ng paggalang sa batas sa pagkakapaslang sa isang banyaga sa kamay ng mga pulis. Ito ang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Naunang sinabi ng Human Rights Watch na may punong-tanggapan sa New York na ang pagdukot at pagkakapaslang ng Korean national na si Jee Ick Joo ay pagpapatunay lamang ng kawalan ng rule of law sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagkaroon umano ng pag-iisip ang mga pulis na madali silang makalulusot sa pagpaslang sapagkat nangako si Pangulong Duterte ng "immunity" sa mga pulis na papatay sa ngalan ng kanyang kampanya laban sa droga na ikinasawi na ng higit sa 6,000 katao mula ng maluklok siya sa tanggapan noong huling araw ng Hunyo ng 2016.
Ani Secretary Aguirre ang naganap sa Koreanong negosyante ay isang "isolated incident" kahit pa lumabas ang layunin ng ilang mga pulis na kumita sa kanilang paglabag sa batas.
Nakatagpo na ng sapat na dahilan ang Department of Justice upang usigin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen. Tatlong pulis at limang iba pa ang mananagot sa pagkamatay ni Jee Ick Joo.
Pinabulaanan din ni Secretary Aguirre ang lumabas na balitang gagawing state witness si Senior Police Officer 3 Ricky Sta. Isabel at hindi isasailalim sa Witness Protection Program.
Sa iang mensahe sa mga tagapagbalita, sinabi ni Secretary Aguirre na nakatagpo ng "probable cause" ang kagawaran upang ipagsumbong sina SPO3 Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, Ramon Yalung at apat na iba pang kalalakihang kinilala ang iba pa sa mga alias na "Pulis," "Jerry," "Sir Dumlao" at isang "Ding" sa pagkawala ng Koreanong negosyante.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |