Paglulunsad na muli ng kampanya laban sa droga, binatikos
MARIING pinuna ni Senador Leila de Lima ang balak ng Pamahalaang Duterte na ituloy ang naudlot na kampanya laban sa droga nang hindi pa nalilinis ang hanay ng pulisya ng mga masasamang loob at mapanagot para sa kanilang mga krimen.
Ang gawing ito'y pagpapakita lamang ng kayabangan ng administrasyon sa pinakamadugong kampanya laban sa droga ng hindi itinutuwid ang mga pagkakamali tulad ng pagsibak sa masasamang pulis. Niliwanag ni Senador de Lima na kontra siya sa iligal na kalakal ng droga subalit hindi kailanman mapapayagang madamay at mapatay ang mga taong walang kinalaman sa krimen.
Kasalukuyang detenido si Senador de Lima sa PNP Custodial Center sa Campo Crame sanhi ng diumano'y pagkakasangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison na mariing itinanggi ng mambabatas. Ang senadora ang pinakamaingay na pumupuna sa pamahalaan. Politika umano ang dahilan ng pormal na reklamo laban sa kanya.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga tagapagbalita kahapon sa Malacanang, sinabi ni Pangulong Duterte na kukuha siya ng mga matitinong pulis sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga. Naunang sinabi ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na ipinagpapasalamat nila ang pagsisimulang-muli ng kampanya laban sa illegal drugs.
1 2 3 4 5