|
||||||||
|
||
20170403melo.m4a
|
Finance ministers ng ASEAN, magsama-sama sa Cebu
MAGPUPULONG ang mga Kalihim ng Pananalapi (Finance Ministers) ng mga bansang kabilang sa ASEAN mula bukas sa Shangri-La Mactan sa Cebu City para sa ika-12 session ng ASEAN Finance Ministers Investors' Forum.
Pag-uusapan nila ang mga paraan upang higit na gumanda ang kalakalan at paglalagak ng kapital sa loob ng sampung bansang kabilang sa rehiyon. Magaganap ito sa likod ng pagbagal ng kaunlaran sa pandaigdigang ekonomiya.
Pag-uusapan nila ang progreso sa nilalayong ASEAN Economic Community na katatampukan ng malayang paggalaw ng mga paninda, mga manggagawa, services at investments sa loob ng sampung bansa sa rehiyon.
Matapos ang mga talumpati nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at ASEAN Deputy Secretary General Lim Hong Hin, magkakaroon ng plenary session. Isang tanghaliang tinaguriang networking lunch ang katatampukan ng global financial institutions at multilateral companies na may mga tanggapan sa rehiyon.
Ayon kay G. Jesus Varela, director-general ng International Chamber of Commerce-Philippines, natagalan ang European Union sa pagtatatag ng kanilang common market at napapanahong masimulan na kaagad sa rehiyon ang ASEAN integration.
Makatutulong ito sa mga manggagawa, mga propesyunal, non-tariff barriers at branding kasabay ng pananalapi. Ani G. Varela, napakikinabangan na ng mga mamamayan ng ASEAN ang malayang paglalakbay ng walang visa.
Para kay Atty. Sonny Matula, pangulo ng may higit sa 100,000 manggagawang kasama sa Federation of Free Workers, nabatid niya sa International Labour Organization na makikinabang ang may 3.1 milyong mga manggagawang Filipino subalit mahaharap din sa posibleng panganib. Bagaman, hindi niya binanggit kung anong panganib ang naka-amba sa mga manggagawang Filipino.
Dadalo sa pulong ang mga kalihim ng pananalapi ng Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia, Thailand at ang secretary of state ng Cambodia. Magtatapos ang pulong sa Biyernes, ikapito ng Abril sa pagdalo ng mga gobernador ng mga bangko sentral ng iba't ibang bansa sa ASEAN.
Matatagpuan sa timog-silangang Asia ang ikapitong pinakamalaking ekonomiya sa daigdig at mayroong pinagsanib na Gross Domestic Product na US$ 2.5 trilyon noong 2015. Na sa rehiyon din ang ikatlong pinakamaraming manggagawa at ika-apat sa mga rehiyon sa daigdig na naglalabas ng mga paninda.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |