|
||||||||
|
||
Imbestigasyon, ginagawa sa pagkasawi ng isang mag-aaral na sumailalim ng hazing
SINABI ng medico-legal officer ng Manila Police District na pumanaw si Horacio Tomas Castillo III matapos sumailalim ng hazing. Ayon sa pagsusuri ng pulisya, pumanaw si Castillo sa atake sa puso matapos ang malubhang mga pasa at sugat na kanyang tinamo sa ritual ng fraternity.
Dumating ang koponan ng pulisya sa morge mga ikasiyam ng umaga at nagsagawa ng pagsusuri sa labi. Kinausap ng manggagamot ang pamilya ng pumanaw at sinabihang ang pagpapahirap o hazing ang naging dahilan ng pagkasawi ng biktima.
Maraming pasa sa braso subalit walang sunog na nakita.
Lumuha ang ama ng biktima, si Horacio Castillo, Jr. matapos masabihan ng kinalabasan ng pagsusuri. Hiniling niyang managot sa batas ang may kagagawan ng pagkamatay ng kanyang anak.
Sa isang panayam, sinabi ni Gng. Carmina Castillo na sinabihan sila ng kanilang anak na inanyayahan siyang lumahok sa fraternity at nasabihang tapos na ang initiation rites at magkakaroon lamang ng pagtitipon noong Sabado sa University of Santo Tomas. Hindi na nakauwi ang mag-aaral na first year sa UST College of Law.
Natagpuan ang kanyang labi sa isang sidewalk sa Tondo noong Linggo ng umaga at dinala sa Chinese General Hospital at patay na ng idating doon. Nabalita lamang ng mga magulang ang pagkasawi ng kanilang anak kaninang madaling araw.
Ayon sa University of Santo Tomas, sinisiyasat na nila ang insidente at maglalabas ng pahayag sa oras na matapos ang kanilang imbestigasyon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |