Sa pagtitipong idinaos sa Bangkok ng mga media mula sa Tsina at Thailand, bilang pagdiriwang sa ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, ipinahayag ni Ning Fukui, Embahador ng Tsina sa Thailand na ang pagsasakatuparan ng pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan at win-win situation ay saligang layunin sa pagtatatag ng daam-bakal ng Tsina at Thailand. Umaasa aniya siyang maisasakatuparan ang konektibidad ng estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang bansa at makikinabang ang mga mamamayan ng dalawang panig mula sa usaping ito.
Sinabi pa ni Ning na, tutupdin ng Tsina ang pangako sa pangangalaga sa interes ng Thailand. Aniya, bibili ang Tsina ng mas maraming produktong agrikultural mula sa Thailand, na gaya ng bigas, goma, at iba pa.
Nauna rito, narating ng dalawang panig ang ilang kasunduan hinggil sa pagdidisenyo ng nasabing proyekto, laang-gugulin, at pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, nagsisikap ang dalawang panig para pasimulan ang pagtatatag ng daam-bakal, bago ang katapusan ng taong ito.