Nag-usap sa Beijing nitong Huwebes, Mayo 26, 2016 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at dumadalaw na Pangulong Pranab Kumar Mukherjee ng India. Ipinahayag ng dalawang panig, na bilang dalawang bansang may sinaunang sibilisasyon at bagong-sibol na ekonomiya sa daigdig, inaasahang mapapahigpit ang kanilang pagtutulungan sa ibat-ibang larangan para pasulungin ang estratehikong partnership sa mas mataas na antas, at magkasamang gumawa ng ambag sa pangangalaga sa kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon at daigdig.
Tinukoy ni Pangulong Xi na positibo ang Tsina sa pag-uugnay ng "Inisyatibo ng Aksyong Pasilangan" ng India at "Inisyatibo ng Belt at Road" ng Tsina. Umaasa aniya siyang magsisikap ang Tsina, kasama ng India para pasulungin ang pagtatatag ng Economic Belt ng Bangladesh, China, India at Myanmar; pasulungin ang Asian Infastruture Investment Bank(AIIB), upang maging isang propesyonal at epektibong platapormang pinansyal sa konstruksyon ng imprastruktura; at pabutihin ang talastasan hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership(RCEP).
Ipinahayag naman ni Pangulong Pranab Kumar Mukherjee ang kahandaan para sa pagpapasulong ng bilateral na relasyon ng dalawang panig, pagpapalawak ng pagtutulungan sa ibat-ibang larangang kinabibilangan kabuhayan, pamumuhunan at kultura; at pagpapalakas ng koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Aniya, pinasasalamatan din ng India ang suportang ibinibigay ng Tsina sa pagsapi ng India at Pakistan sa Shanghai Cooperation Organization(SCO).
Nang araw ring iyon, nakipag-usap si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa dumadalaw na Pangulo ng India.