|
||||||||
|
||
Sa magkahiwalay na okasyon nang araw ring iyon, idinaos ang Philippines-China Trade and Investment Forum (PCTIF). Ipinahayag ng mga kalahok na kinatawang Pilipino't Tsino mula sa larangang pangnegosyo at pangkalakalan ang kanilang optimismo sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa hinaharap.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, inilahad ni Kalihim Ramon Lopez ng Kagawaran ng Kalakalan at Industrya (DTI) na sa loob ng susunod na limang taon, tinatayang aabot sa 60 bilyong US dollar ang kabuuang halaga ng kalakalan ng Tsina't Pilipinas. Idinagdag pa ni Lopez na sa kasalukuyan, umaabot sa 500,000 ang karaniwang taunang bilang ng mga turistang Tsino na nagpupunta sa Pilipinas, at sa hinaharap inaasahang mag-dodoble o mag-kwa-kuwadruple ang bilang na ito.
Si Kalihim Ramon Lopez habang nagtatalumpati sa seremonya ng pagbubukas sa PCTIF
Kabilang sa entorahe ni Pangulong Duterte sa kanyang biyahe sa Tsina ay humigit-kumulang 450 mangangalakal na Pilipino. Lumahok din sila sa nasabing forum.
Sinabi ni Edgar Sia II, kalahok na Chairman at CEO ng DoubleDragon Properties Corp na bilang kinatawan ng pribadong sektor, optimistiko siya sa kinabukasang pangkabuhaya't pangkalakalan ng Pilipinas at Tsina. Aniya, ang pangunahing negosyo ng kanyang kompanya ay may kinalaman sa sektor panturismo. Inilahad ni Sia II na sa pakikipagpartner sa Jinjiang Inn, kilalang hotel chain ng Tsina, naitayo ang dalawang Jinjiang Inn Hotel sa Pilipinas at mas marami pa ang balak nilang itayo. Idinagdag pa niyang sa kasalukuyang biyahe sa Tsina, umaasa siyang makakahanap pa ng bagong mga partner na Tsino.
Si Sia II sa PCTIF
Sa kanya namang talumpati, iminungkahi ni Xu Ningning, Puno ng China-ASEAN Business Council na ipauna ng Pilipinas at Tsina ang pagtutulungang industriyal sa kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan. Makakatulong aniya ito hindi lamang sa pagpapabuti ng estrukturang industriyal ng dalawang bansa, kundi sa pag-unlad din ng mga maliit at katamtamang bahay-kalakal (SMEs).
Si Xu Ningning sa PCTIF
Ipinangako naman ni Nora Terrado, Undersecretary ng DTI na ibayo pang magbubukas ang pamilihang Pilipino sa mga mangangalakal na Tsino, sa mga larangang gaya ng industriya ng paggawa, paghahabi, pagkain at pangingisda. Idinagdag pa niyang malawak din ang espasyo ng pagtutulungan sa sektor ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).
Si Undersecretary Nora Terrado sa PCTIF
Ipinahayag naman ni Eduardo Cobankiat, Chairman ng Anvil Business Club/Association of Young Filipino-Chinese Entrepreneurs na sa kasalukuyang "exploratory trip" sa Tsina, inaasahan ng kanyang club ang pakikipagtulungan sa mga bahay-kalakal na Tsino, lalung lalo na ang mga SMEs. Ipinahayag din niya ang kahandaang magkaloob ng serbisyo sa mga bahay-kalakal na Tsino na may balak mamuhunan sa Tsina.
Si Eduardo Cobankiat sa PCTIF
Nagtalumpati rin sa forum si George T. Barcelon, Presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI); Shu Yinbiao, Chairman ng State Grid Corporation of China; Francis Chua, Chairman ng Philippine-China Trade and Investment Council; Xiang Wenbo, Presidente ng SANY Heavy Industry Co. Ltd.
Sa ngalan ng pamahalaang Pilipino at Pamahalaang Tsino, lumahok din sa seremonya ng pagbubukas sina Pangulong Duterte at Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina.
Si Pangulong Duterte na nagtatalumpati sa seremonya ng pagbubukas ng PCTIF
Si Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina na nagtatalumpati sa seremonya ng pagbubukas ng PCTIF
Ulat: Jade/Chen Yu
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |