Beijing-Binuksan Agosto 21, 2017 ang Ika-6 na Pulong ng mga Pangalawang Punong Ministro ng Tsina at Indonesya. Magkasama itong pinanguluhan nina Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina at Wiranto, Coordinating Minister for Political, Legal and Security Affairs ng Indonesya.
Ipinahayag ng dalawang panig na alinsunod sa komong palagay na narating nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joko Widodo ng Indonesya, ibayong palalalimin at palalawakin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Sinang-ayunan nila ang pagpapatuloy ng pagpapalitan sa mataas na antas; pagpapahigpit ng pagpapalitan sa mga mahalagang isyung may-kinalaman sa bilateral na relasyon; pagpapalakas ng ugnayan ng kani-kanilang pambansang estratehiyang pangkaunlaran; at pagpapalalim ng pagtutulungan sa depensa, paglaban sa terorismo at droga, cyber security, at iba pang larangan. Positibo rin sila sa magkasamang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea, ibayong pagpapasulong ng pagtutulungan ng Tsina at ASEAN at pagtutulungan ng Silangang Asya, at pagpapalakas ng koordinasyon sa mga multilateral na mekanismo ng rehiyon at daigdig.