NANINIWALA si dating National Security Adviser Norberto Gonzales na magtatagal pa ang krisis sa Mindanao. Sa "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga, ipinaliwanag ni G. Gonzales na base sa kanyang impormasyon ay mayroon pang 100 mga rebeldeng MNLF na nasa Zamboanga City at maaaring maghasik pa ng kaguluhan sa nangangambang mga mamamayan doon.
Ayon kay G. Gonzales, kahit pa sinabi ng pamahalaang tapos na ang krisis sa Zamboanga, nagkaroon pa rin ng labanan na ikinasugat ng apat na kawal. Naniniwala din siyang may nagpagalaw kay Nur Misuari kaya't nagkaroon ng mga sagupaan sa loob ng tatlong linggo. Malaki, ani G. Gonzales ang posibilidad na isang banyagang bansa ang nasa likod ng kaguluhan sa Zamboanga. Bagaman, tumanggi siyang pangalanan ang bansang sangkot sa kaguluhan.
Para kay dating National Security Adviser Gonzales, malaking tulong ang Bishops-Ulama Conference sa pagsugpo ng kaguluhan sa Mindanao. Nagkataon lamang na unang sinibak ni Pangulong Aquino ang BUC sa paniniwalang katha ito ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Inulit ni G. Gonzales na ang paggamit ng dahas ay nararapat sanang panghuling aksyon sapagkat noong ikalimang araw, nagkaroon ng panawagan ang ilang mga MNLF na magkaroon ng tigil-putukan at gawin na lamang ang nagawa noon sa Cabatangan, Zamboanga City na nabigyan ng safe conduct pass ang mga MNLF at lumisan ng mapayapa at walang casualties sa magkabilang panig.
1 2 3 4 5 6