Impeachment, malayong maganap sa mga susunod na araw
WALANG anumang magaganap na impeachment laban kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga susunod na araw sapagkat hawak niya ang mga mambabatas sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sa "Tapatan sa Aristocrat," sinabi ni dating Senador Francisco Tatad na mahihirapang makakuha ng 98 mambabatas na magsasabing mayroong sapat na anyo at nilalaman ang impeachement complaint laban kay Pangulong Aquino. Makapasa man ito sa Mababang Kapulungan, hindi basta makapagsisimula ang impeachment proceedings sapagkat maraming mga senador ang idinawit sa iskandalong may kinalaman sa DAP na pawang kontrobersyal at pinagtatalunan pa ng mga kinauukulan.
Sa 24 na mga senador, tanging sina Senador Miriam Defensor-Santiago at Ferdinand Marcos ang hindi nadungisan sa DAP tulad rin ng baguhang si Senador Grace Poe. Ang karamihan ay nasabit sa isyu at kung mananaig ang delicadeza, tanging ang tatlong senador ang matitira para sa impeachment proceedings na hindi rin magaganap sapagkat walang quorum.
Kung sakali man na lumahok sa paglilitis ang mga nadawit sa Disbursement Acceleration Program at magkaroon ng quorum, maaaring hindi rin pangasiwaan ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang impeachement proceedigns sapagkat siya ang nahirang na chief justice matapos masailalim ng impeachment si Chief Justice Renato Corona.
1 2 3 4 5 6