|
||||||||
|
||
Kalakal ng mga sasakyan, umunlad ng 17% sa buwan ng Pebrero
SUNOD-SUNOD na paglago sa larangan ng kalakal ng mga sasakyan ang naitala na naman noong Pebrero. Umabot sa 16,828 mga sasakyan ang naipagbili sa buong bansa.
Iniulat ni Atty. Rommel Gutierrez ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association na nagkaroon ng 17% pag-angat kaysa 14,439 na sasakyang naipagbili noong nakalipas na Pebrero ng 2013. Hamak na mataas ito ng 8% sa mga naipagbiling sasakyang noong Enero na nagkaroon ng 15,642 na sasakyan.
Lahat ng uri ng mga sasakyan ang kinakitaan na benta. Maraming bumili ng mga kotse dahilan sa mga iniaalok na bagong modelo mula noong huling tatlong buwan ng 2013. Umabot sa 22% ang idinagdag sa benta mula sa 4,518 noong Pebrero ng 2013 at natamo ang bilang na 5,620 sasakyan noong nakalipas na biwan. Tumaas din ang benta ng commercial vehicles ng may 14% mula sa 9,821 units (2013) at nagkaroon ng 11,208 nitong nakalipas na buwan.
Lumago rin ang benta ng light trucks, Category 4 trucks at mga bus. Nagkaroon din ng masiglang paggalaw sa bentahan ng light commercial vehicles.
Idinagdag ni Atty. Gutierrez na kahit 28 araw lamang ang buwan ng Pebrero, maihahambing ang bentang natamo sa buwan ng Disyembre noong 2013. Napuna ang malalaking benta sa National Capital Region subalit mas malaki ang bentang naganap sa Bicol Region, Cagayan-Isabela-Nueva Vizcaya at maging sa Central Luzon, CALABARZON at Central Visayas.
Mga sasakyang mula sa Toyota Motor Philippines ang nagkaroon ng 43% market share, sinundan ng Mitsubishi Motor Philippines, 24%, Ford Motor Philippines ang pangatlo sa pagkakaroon ng 7.25%, pang-apat naman ang Honda 6.34% at panglima anaman ang Isuzu Philippines na nagkaroon ng 6% market share.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |