Mga kawal, sugatan sa sagupaan sa Basilan
UMABOT sa 18 mga kawal ang sugatan sa sagupaan kaninang mag-aalos dos y media ng umaga sa Unkaya Pukan, Basilan matapos masagupa ang 'di mabilang na mga kasapi ng Abu Sayyaf.
Ayon sa pahayag ni Marine Captain Maria Rowena A. Muyuela, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command, hindi matiyak kung ilan ang nasugatan sa panig ng Abu Sayyaf. Isinugod kaagad ang mga sugatang kawal sa pamamagitan ng helicopters patungo sa Zamboanga City kaninang ika-anim at kalahati ng umaga.
Inilunsad ang operasyong kinatampukan ng mga kawal ng pamahalaan at pulisya laban sa mga armadong sangkot sa mga pangingikil sa Basilan at mga kalapit-pook.
Ayon kay Brig. General Carlito Galvez, pinasok ng mga Abu Sayyaf sa ilalim ni Furuji Indama ang mga paaralan sa Barangay Baguindan. Layunin ng operasyon na madakip si Indama at mga kasama na nanakot at nangingikil sa ginagawang lansangan sa pagitan ng Magkawa at Albarka. Itutuloy ang paglilinis sa Tipo-tipo at Albarka mula sa mga tauhan ng mga armado upang matuloy na ang pamumuhay ng normal ng mga mamamayan.
Gagamitin ng AFP Western Mindanao Command ang lahat ng eroplano't mga sasakyang-dagat sa operasyon laban sa grupo ni Indama.
1 2 3 4 5 6 7