![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
140604melo.mp3
|
Kalihim ng Komersyo ng America: Mananatili kami sa Asia
MAMAMALAGI KAMI SA ASIA. Ito ang sinabi ni US Secretary of Commerce Penny Pritzker sa kanyang talumpati sa pinag-isang pulong ng American Chamber (AmCham), Management Association of the Philippines at Makati Business Club sa new World Hotel Ani Secretary Pritzker, sa masiglang kalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at mga bansang kabilang sa ASEAN, tiyak na uunlad ang rehiyon. (Melo M. Acuna)
TINIYAK ni US Secretary of Commerce Penny Pritzker na magpapatuloy ang kalakalan at komersyo sa pagitan ng Estados Unidos at ng mga bansang kasapi sa Association of South East Asian Nations (ASEAN).
Sa kanyang higit sa 22-minutong talumpati sa harap ng pinag-isang pulong ng American Chamber Philippines (Am-Cham), Management Association of the Philippines at Makati Business Club, sinabi ni Kalihim Pritzker na dumalaw na siya at ang mga mangangalakal na Americano sa Vietnam at magtutungo sa Burma dala ang mensahe ni Pangulong Barack Obama, ang pagpapatuloy ng kanilang pangakong tutulong sa rehiyon at pagpapalalim ng relasyong pangkalakalan sapagkat sa pagtutulungang ito matatamo ang malawakang kaunlaran.
Mayroon umanong apat na milyong mamamayan sa Estados Unidos na may dugong Pilipino at mayroong higit sa 160,000 mga bahay-kalakal na pag-aari ng mga Pilipino.
Idinagdag pa ni Kalihim Pritzker na matagal at malalim na ang pinagsamahan ng mga Americano at Filipino. Binanggit din niya ang kanyang mga kaklase sa kolehiyo sa Estados Unidos, sina Jaime at Lizzie Zobel, mga matatagumpay na mangangalakal sa Pilipinas.
Nakita na umano ang pagiging malapit ng mga Americano sa Pilipinas sa dagliang pagtulong noong hagupitin ni Yolanda ang Central Philippines. Nakapag-ambag sila ng may US $ 90 milyon, nakapagsakay ng may 20,000 mga nakaligtas at may apat na milyong libra ng mga relief goods.
Higit pa sa pagtulong sa oras ng pangangailangan ang sandigan ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Pinuri din niya si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagpapatupad ng economic at institutional reforms, lalo na sa intellectual reforms at enforcement, koleksyon ng mga buwis at magandang sovereign debt rating.
Anang dumadalaw na kalihim, mula 2000 hanggang 2010, naharap ang America sa dalawang digmaan kaya't natuon ang diplomatic, economic at strategic investments sa ilang mga bansa at nagdulot ng ibayong kakulangan sa ilang pook.
Sa pag-upo sa panguluhan ni Ginoong Obama, itinuwid ang pagkakamaling ito at pinalalim ang pakikipag-ugnayan sa mga bansang nasa Asia Pacifico. Layunin umano ng administrasyong Obama na makipagkalakalan sa ASEAN at magkaroon ng matatag na seguridad, magkaroon ng bukas at kaaya-ayang economic environment at maluwag at maayos na political rights na gumagalang sa kalayaan ng lahat.
Idinagdag pa ni Kalihim Pritzker na ang Estados Unidos ay matagal nang bahagi at mananatiling bahagi ng komunidad ng mga bansang nasa Pasipiko.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |