|
||||||||
|
||
Senate President Drilon, nanawagang alisin na ang Pork Barrel
MAS makabubuting alisin na ng Ehekutibo ang pork barrel sa 2015 national budget at mawala na ang anumang salaping maihahalintulad sa kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa isang pahayag, sinabi ni Senate President Franklin M. Drilon na susuriing mabuti ng Senado ang 2015 national budget upang matiyak na hindi mabubuhay na muli ang PDAF.
Iminungkahi niya na ang pondong para sa PDAF sa mga nakalipas na taon ay gamitin na lamang sa social services tulad ng pagpapa-unlad ng mga pagamutan, libreng pagpapa-aral sa kolehiyo, poverty alleviation program at tulong sa sektor ng pagsasaka.
Natatapos na ang talaan ng pagkakagastusan ng pamahalaan sa 2015 sa pamamagitan ng Department of Budget and Management at ipadadala at inaasahang sasangayunan ng Kongreso matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa ika-28 ng Hulyo.
Magugunitang naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing taliwas sa Saligang Batas ng Pilipinas ang pagkakaroon ng PDAF. Lumabas ang desisyon noong huling bahagi ng 2013.
Sa panig ng Senado, inalis na nila ang PDAF ilang buwan bago naglabas ng desisyon ang Korte Suprema.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |