Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga kawal na Filipino, sangkot sa stand-off sa Golan Heights

(GMT+08:00) 2014-08-30 14:40:44       CRI

Mga kawal na Filipino, sangkot sa stand-off sa Golan Heights

HANDA ANG MGA KAWAL NA FILIPINO SA GOLAN HEIGHTS.  Ito ang sinabi ni Major General Domingo Tutaan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag kanina.  (TV Grab Photo/ANC)

 

NANANATILING nagbabantay ang mga kawal na Filipinong kabilang sa United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) sa Golan Heights kahit pa napalilibutan ng rebeldeng kabilang sa Islamic State In Syria (ISIS) na nagtangkang sumalakay kahapon ng ika-sampu ng umaga, oras sa Syria o ikatlo ng hapon sa PIlipinas.

Naunang sinalakay ng mga rebelde ang pinagkukutaan ng mga kawal ng Fiji sa Golan Heights. Ayon sa sources, noong makita ng mga kawal ng Fiji ang sumasalakay na mga rebelde, pumasok sila sa kanilang shelter kaya nakubkob ng mga sumalakay at nasamsam ang kanilang mga sandata. May 43 mga kawal ng Fiji sa pook.

Pinalibutan ng mga rebelde ang pinagkukutaan ng mga Filipino na hindi umatras at nanatiling nakatayo at handang ipagtanggol ang kanilang kuta. Sa pagkakataong ito, nagsimula ang stand-off sa pook na kinalalagyan ng mga kawal sa ilalim ng United Nations.

Ayon sa pahayag ng Malacañang, ang pamahalaan ng Pilipinas at United Nations ay nagtatangkang malutas ng payapa ang situwasyon. Nananatili pa rin ang de-escalation o paghupa ng tensyon sa pagitan ng mga rebelde at mga Filipino.

Ayon sa Malacanang, handa ang mga kawal, nasanay sila at may kakayahang humarap sa ganitong mga situwasyon at haharap sa panganib upang ipadama ang pangakong pakikiisa sa international security at kapayapaan.

Karapatan nilang ipagtanggol ang kanilang kinalalagyan ayon sa mga regulasyon ng United Nations at maging sa rules of engagement. Mas pagtutulungan na ang Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense sa United Nations Disengagement Observer Force. Mayroon ding communication lines sa mga kawal ng Pilipinas at sa UN Force Headquarters sa Golan Heights sa pagsusuri ng mga magagawa at kinikilalang contingency plans.

Nababahala ang Malacañang sa kaligtasan at seguridad ng mga kawal samantalang nananatiling tapat ang mga kawal sa kanilang tungkulin. Ang lahat ng gagawin ng 75 kawal na napaliligiran ng mga rebelde ay pagtalima sa kanilang misyon sa ilalim ng UNDOF na nangangasiwa sa kanilang destino, ang mapagitna sa Syria at Israel upang maiwasan ang pagdanak ng dugo sa pagitan ng dalawang magkalabang bansa.

Sa pahayag ni Major General Domingo Tutaan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, mananatiling tapat ang Pilipinas sa pangako nitong tutulong sa United Nations sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga magugulong pook sa daigdig.

Sinabi nina Major General Tutaan at Colonel Roberto Ancan, na walang anumang pagpapalitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig subalit inatasan nila ang mga kawal ng Pilipinas na maghanda sa anumang posibleng maganap.

Sinabi ni Colonel Ancan na maaaring paputukan ng mga kawal na Filipino ang mga sasalakay upang ipagtanggol ang posisyon ng United Nations. May kaukulang pagsasanay ang mga ipinadalang mga kawal sa iba't ibang peace-keeping missions.

May apat na kilometro ang pag-itan ng dalawang kampo ng mga kawal Filipino. Tumanggi sina General Tutaan at Colonel Ancan na banggitin kung ilang mga rebelde ang nakapaligid sa mga kampo. Ang buffer zone ay nabuo ayon sa Disengagement Agreement noong 1974.

Naunang binanggit ng United Nations na mayroong 81 mga kawal na nakasama sa standoff subalit nabatid na may 40 sa isang kampo samantalang mayroong 35 sa kabilang kampo.

Gumamit ang mga rebeldeng Syrian ng isang taga-Fiji na nagsasalita ng Ingles upang iparating ang kanilang kahilingan. Tumanggi ang mga Filipino na umalis at sumuko at ibigay ang kanilang mga sandata na kinabibilangan ng assault rifles, M-60 machine guns, caliber .45 pistols at iba pa. Ang mga sandatang ito ay pag-aari ng Pamahalaan ng Pilipinas.

Sa panig ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, sinabi niyang hindi nararapat mag-alala ang mga Filipino sa nagaganap sa Golan Heights sapagkat lumalabas na "stable" naman ang situasyon.

Sa maikling pahayag sa mga tagapagbalita, nanawagan siya sa madla ana huwag mangamba sapagkat ayon sa mga balita ay maayos naman ang nangyayari sa pagitan ng Syria at Israel.

1 2 3 4
May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>