|
||||||||
|
||
Mga bansa sa Asia, gagamit ng uling; Nukleyar? Pagisipang mabuti
SA matinding pangangailangan ng mga bansa sa Asia ng kuryente, marami sa kanila ang gagamit ng coal-fired power plants.
Ito ang pananaw ni G. Anthony Jude, senior advisor sa Regional and Sustainable Development ng Asian Development Bank, na bagama't kumukuha ng kuryente ang First Philippine Holdings at Meralco sa natural gas, maraming planta sa Pilipinas ang umaasa sa coal-fired power plants.
Kailangang magkaron ng pagbabago sa uri ng uling na gagamitin upang huwag makapinsala sa kapaligiran.
Bagama't may potensyal ang geothermal power, wala umanong mangangapital sapagkat malaki ang gastos sa pagsusuri at pagtatayo ng geothermal plants. Sa Indonesia ay kinailangang magkaroon ng pagbabago sa kalakaran tulad ng unbundling ng provincial governments. Noon, ang 500 MW na geothermal steam ay sinasabing pag-aari ng pamahalaan subalit sa pagbabagong ginawa ngayon ay naging pag-aari na ng mga private developer.
Kailangan umanong alalayan ng pamahalaan ang mga nais mangapital sa geothermal sapagkat kailangan mong maghukay ng isa o dalawa hanggang limang geothermal well at walang kasiguruhan kung sapat ang init na makukuha sa ilalim ng lupa. Hindi rin tiyak kung tatagal ang geothermal steam ng 25 taon.
Samantala, hindi madaling umasa sa nuclear power. Ayon kay G. Jude, sa mga nagmumungkahing gumamit ng nuclear power, kailangang magbalik-aral at sumagot sa ilang katanungan. Makapagtatayo ba ng power plant na tatagal sa magnitude 8, 9 at 10 na lindol? May kakayahan bang magtayo ng hanggang limang nuclear power plant ang bansa? May mga kolehiyo bang nag-aalok ng nuclear engineering upang may sapat na kawaning maglilingkod?
Kaya umano gumamit ng nuclear power ang Japan at Korea ay wala silang ibang pagkukunan ng kuryente.
Ang Pilipinas ay maraming pagkukunan ng kuryente tulad ng biomass, mula sa basura tungo sa kuryente.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |