|
||||||||
|
||
141120melo.mp3
|
Pagkakasundo ng mga Aquino at Marcos, hindi ganoon kadali
SINABI ni Communications Secretary Herminio "Sonny" Coloma, Jr. na hindi ganoon ka-simpleng magkasundo ang mga Aquino at mga Marcos. Ito ang tugon ng Malacañang sa panawagan ni Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na magkasundo na matapos ang ilang dekadang alitin ng dalawang angkan.
Ani Kalihim Coloma binanggit na ni Pangulong Benigno Aquino III na ang alitan sa dalawang angkan ay nagpapatuloy sa paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng paglabag sa Karapatang Pangtao sa ilalim ng Batas Militar noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Hindi sang-ayon si Pangulong Aquino na ang alitang namamagitan sa dalawang pamilya ay personal lamang sapagkat pinahahalagahan ang pagkakamit ng katarungan. Hindi umano usaping pamilya, dagdag pa ni Kalihim Coloma sa isang press briefing sapagkat ito'y usapin ng katarungan.
Kahit pa umano may kakaibang pananaw si Pangulong Aquino, maganda naman ang relasyon ng dalawang pamilya sa ilang ulit na pagkikita nina Pangulong Aquino at mga miyembro ng Marcos Family.
Ani Kalihim Coloma, wala namang personal na alitan o usaping personal na namamagitan sa dalawang pamilya. Dumadalo sa mga okasyon sa Malacanang sina Senador Marcos, dating First Lady at Congresswoman Imelda Romualdez-Marcos at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Naunang binanggit ni Senador Marcos sa isang panayam na makabubuti ang pagkakasundo ng Pamilya Aquino at Pamilya Marcos sapagkat nahahati ang bansa at mga mamamayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |