|
||||||||
|
||
Special Report
Proyekto para sa makataong hanapbuhay sa ibang bansa nagtapos
HEALTH PROFESSIONALS, NARARAPAT ALAGAAN. Ito ang layunin ng International Labor Organization at European Union sa kanilang tatlong taong proyekto upang higit na mapangalagaan ang mga nangingibang-bansa. Kabilang sa mga kasama sa programa ang mga medical professionals. (ILO-Philippines Photos)
TATLONG taon ang ginugol ng International Labor Organization at European Union sa kanilang pakikipagtulungan sa mga tanggapan ng pamahalaan sa pagsusuri sa mga nagaganap sa mga propesyunal na nangingibang-bansa.
Bukas, gaganapin ang palatuntunang hinggil sa Decent Work Across Borders na katatampukan ng mga pinag-aralan ng mga dalubhasa at kaukulang seremonya upang iparating sa kinauukulan ang mga datos at mga panukala upang higit na mapangalagaan ang mga Filipinong nagtutungo sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Sisimulan ang palatuntunan sa ganap na ika walo't kalahati ng umaga at magtatapos bago sumapit ang ikalima ng hapon sa Noew World Hotel sa Makati City.
Magiging panauhin sina Liberty Casco, ang Deputy Administrator ng Philippine Overseas Employment Administration at Laura Brewer, Deputy Director ng ILO sa Pilipinas at Hand Farnhammer, First Counsellor ng European Delegation to the Philippines.
Sinimulan ang pagsusuri sa recruitment o pangangalap ng mga manggagawa patungo sa ibang bansa. Itatampok ang kanilang findings sa pamamagitan ng mga kinatawan ng Department of Labor and Employment at Fair Hiring Initiative. Itatampok din ang mga materyales na nararapat basahin ng mga mangingibang bansa.
Pag-uusapan din ang kalagayan at mga mahaharap na programa ng mga manggagawang magdedesisyon na umuwi na lamang sa Pilipinas matapos ang ilang taong paglilingkod sa ibang bansa. Isang magandang paksa ang reintegration kung paanong magkakahanapbuhay sa sariling bansa.
Bibigyang-pansin din ang pagsasanay sa mga manggagawang maging mga negosyante ang mga health professional tulad ng mga narses at midwives na nag-abroad.
Nakatakdang magsalita si Dr. Fely Marylin Lorenzo ng Pamantasan ng Pilipinas at Commission on Higher Education samantalang ihahayag ni Dean Carmelita Divinagracia ng Board of Nursing ang Core Competency Standards' Training module.
Ang mga manggagawang Filipino ang siyang sumusuhay sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang foreign remittances.
Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, sa unang walong buwan ng taong 2014, ang personal remittances ng mga manggagawa ay umabot na sa US$17.2 bilyon samantalang ang cash remittances ng mga manggagawang Filipino sa pamamagitan ng mga bangko ay umabot sa US$ 15.5 bilyon.
Patuloy ang pangangailangan ng mga skilled Filipino workers sapagkat sa job orders na dumaan saPOEA, mula Enero hanggang Agosto ay umabot na sa 619,388 sa larangan ng service, production, professional, technical at related workers sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, Taiwan at Qatar.
Karamihan ng mga salaping ipinadala sa Pilipinas ay mula sa Estados Unidos, Saudi Arabia, United Arab Emirates, United Kingdom, Singapore, Japan, Canada at Hong Kong.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |