|
||||||||
|
||
WALANG MASAMANG EPEKTO ANG ASEAN COMMUNITY SA PANGISDAAN. Ito ang sinabi ni Undersecretary Asis Perez sa Tapatan sa Aristocrat kanina. May 40% ng mga isdang huli sa Pilipinas ang nakararating sa Europa, 39% naman ang nakararating sa America at 12% ang nabibili ng Japan. Nasa gawing kanan si Coast Guard Commander Armando Balilo. (Melo M. Acuna)
SA likod ng pangamba ng ilan na makasasama sa iba't ibang sektor ng kalakal ang pagbuo ng ASEAN Economic Community sa unang araw ng Enero 2016, naniniwala si Undersecretary for Fisheries Asis Perez na walang epekto ito sa pangisdaan sa Pilipinas.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni G. Perez na ang karamihan ng isda ay ipinagbibili sa ibang bansa sa labas ng Asia. Umaabot sa 40% ng mga isdang huli sa Pilipinas ang nakararating sa Europa samantalang may 39% naman ang binibili ng mga pamilihan sa America at may 12% ang natutungo sa Japan.
Isinasaayos na rin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang kanilang datos tulad ng bilang ng mga mangingisda sa buong bansa at ang pangkalahatang bilang ng mga daungang babantayan upang magkaroon ng matatag at mapagkakatiwalaang datos sa dami ng isdang nakararating pamilihan. Niliwanag niyang kailangang ipatupad ang "closed season" sa mga pook na pinagkukunan ng isdang ginagawang sardinas sapagkat hindi darami isda na mapakikinabangan ng mga nasa industriya kung hindi papayagang dumami ang mga kawan sa karagatan.
Kailangan ding gamitan ng agham at maayos na nakolektang datos upang magkaroon ng angkop ng polisiya at batas na papandayin ng mga senador at kongresista.
Lumagda rin ang Pilipinas sa mga kasunduang pandaigdig tulad ng pagtatalaga ng Vessel Monitoring System upang mabatid ng kinauukulan ang kinalalagyan ng mga bangkang pangisda. Aabot sa may P250,000 ang babayaran ng mga may bangkang pangisda sa paglalagay ng kanilang mga VMS equipment. Niliwanag naman ni Undersecretary Perez na staggered ang pagpapatupad nito sapagkat ang mga barkong may 30 metriko toneladang barkong pangisda ay aasahang tatalima sa taong 2017.
Sinabi ni Vince Cinchez ng Greenpeace – Asia Pacific na nararapat magkaroon ng harmonious relations ang mga ahensyang nagpapatupad ng mga batas na may kinalaman sa pangingisda. Idinagdag niya na bukod sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, mayroon pang Department of Environment and Natural Resources, mga pamahalaang lokal na saklaw ng Department of Interior and Local Government, may Philippine Coast Guard na saklaw ng Department of Transportation and Communication at iba pa.
Para kay Atty. Edward Lorenzo, ang Legal at Policy Officer ng grupong Oceana, maraming mga batas na nararapat ipatupad. Kailangan ding kilalanin ang mga batas na ito upang masigasig na maipatupad ng mga ahensya ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Cmdr. Armado Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard, umaasa silang makikipagtulungan ang lahat ng stakeholder sa industriya mula sa mga mangingisdang nasa baybay-dagat at maging sa mga nasa akademya.
Niliwanag ni Undersecretary Perez na malayang nakakapangisda ang mga magdaragat na Filipino sa Scarborough Shoal (sa South China Sea/West Philippine Sea).
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |