|
||||||||
|
||
melo20141118
|
SINIMULAN kanina ang oral arguments hinggil sa kontrobersyal na Enhanced Defense Cooperation Agreement sa Korte Suprema. Sa pagdinig, iginiit ni dating Senador Rene Saguisag na walang autoridad si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na magdesisyon sa kasunduan.
Ang isyu kung mananatili ang mga banyagang kawal sa Piliipinas ay nararapat desisyunan ng nakararaming mamamayan. Siya ang nagbigay ng panimulang argumento sa ngalan ng mga nagpetisyon sa legalidad ng EDCA, isang kasunduang nilagdaan ni Defense Secretary Voltaire Gazmin at American Ambassador Philip Goldberg ilang oras bago lumapag si Pangulong Barack Obama sa NAIA noong Abril.
Iginiit ni Saguisag na walang poder ang pangulo at kalihim ng tanggulang pambansa na desisyunan ang kasunduang magkakaroon ng mahabang epekto sa mga susunod na salinglahi.
Nararapat lamang desisyunan ang mga ganitong kasunduan ng mga kilala't iginagalang na taong tulad nina Senador Jovito Salonga, Lorenzo Tanada at Jose Diokno.
Labingtatlo sa 15 mga mahistrado ang lumahok sa pagdinig samantalang hindi dumalo si dating Solicitor General at ngayo'y Associate Justice Francis Jardeleza. Wala sina Associate Justices Lucas Bersamin at Diosdado Peralta.
Samantalang sinusulat ang balitang ito, si Atty. Harry Roque, isa sa pinakakontrobersyal na abogado sa bansa ang nagsasalita sa harap ng hukuman laban sa EDCA.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |