|
||||||||
|
||
141205melo.mp3
|
Malaking bahagi ng Pilipinas, naghahanda sa pananalasa ng bagyo
NASA alanganing kalagayan ang malaking bahagi ng Pilipinas, kabilang na ang Metro Manila, sa malakas na bagyong nagmula sa dagat Pasipiko, higit lamang sa isang taon mula ng magdusa ang mga mamamayan sa 44 na lalawigan sa pagdaan ni "Yolanda." Magugunitang higit sa 7.300 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong "Yolanda" noong nakalipas na Nobyembre 8,2013.
Sa pinakahuling balita ng pamahalaan, nagtataglay si "Ruby" ng lakas ng hanging aabot sa 215 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 250 kilometro bawat oras.
Tatama ang bagyo sa Eastern Samar bukas ng hapon o Linggo ng madaling araw. Nagkataong sinabi naman ng Joint Typhoon Warning Center sa Hawaii na posibleng umakyat ang bagyo matapos tumama sa Samar at makarating sa Maynila na mayroong mga 12 milyong naninirahan.
Sinabi ni Manila Mayor Joseph Estrada na alertado na ang mga taga-Maynila sapagkat madalas magbago ng direksyon ang bagyo. May layo itong 450 kilometro sa silangan ng Samar at mabagal na kumikilos.
Kung magpapatuloy ang direksyon nito, tatahakin ni "Ruby" ang mga pook na napinsala ni "Yolanda" noong isang taon.
Ang pabago-bagong direksyon ng bagyo ang dahilan kaya't nagpulong ang mga punonglungsod ng Metro Manila upang balaan na sila sa pinsalang maaaring idulot ng bagyo. Ang Maynila ang hilaga bahagi ng dinaanan ni "Yolanda."
Sa pagkabigla ng mga mamamayan noong dumaan si "Yolanda" mas maayos na ang pagtugon sa napipintong krisis. Marami nang namili ng kanilang mga kagamitan sa Tacloban City sapagkat nadala na silang walang nakaimbak na makakain.
Ang mga naninirahan sa isang stadium ang naghakot na ng kanilang mga gamit at lumipat sa mas ligtas na tahanan ng mga kamag-anak. Mahaba na rin ang pila kahapon sa mga groserya at gas stations.
Umabot sa isang milyong mga tahanan ang napinsala at may apat na milyong katao ang nawalan na matitirhan. May ilang daang mga naninirahan sa mga tolda ang inilikas na.
Sinabi naman ni Borongan Bishop Crispin Varquez na maraming mga taga-Borongan ang lumikas sa kanyang tahanan sa pangambang mapipinsala ng bagyo ang kanilang mga tinitirhan.
Alertado ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at binuksan ang mga evacuation centers at nagdala nan g mga pagkain, gamot at body bags sa malalayong pook na maaaring mapinsala ng tuloy at malakas na buhos ng ulan.
Sa Maynila, nagutos na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kahapon sa kanyang mga opisyal na pigilan ang panic-buying at pag-iimbak ng mga mga produktong kailangan ng mga mamamayan.
May nakatakdang Informal Senior Officials Meeting sa Legazpi City na inilipat sa Maynila dahilan sa bagyo. Nakatakda itong daluhan ng daan-daang mga diplomata mula sa 21 bansang kabilang sa Asia-Pacific Economic Cooperation sa Lunes at Martes. Noong Miyerkoles, inilabas ng organizing committee na ilipat ang pulong sa Makati Shangri-La Hotel.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |