Cardinal Tagle, nanawagan sa madlang maghanda at magdasal
SINABI ni Arsobispo Luis Antonio Gokim Cardinal Tagle na hindi kailanman nararapat mabalot ng pangamba at takot ang mga mamamayan sa napipintong pagdating ng super-typhoon na si Ruby. Marami umanong nangamba sa balitang ito sapagkat maraming nasawi noong manalasa si "Yolanda" noong nakalipas na Nobyembre.
Sa isang pahayag, sinabi ng Arsobispo ng Maynila, na sa halip na mangamba at matakot, nararapat maghanda at maging handang tumulong. Makinig sa lahat ng babala mula sa pamahalaan na siyang nagbabantay ng kalagayan ng panahon.
Kailangan ding samahan ng panalangin ang anumang paghahanda at humiling sa Panginoon ng awa at habag sa panahon ng kagipitan. Nanawagan din siyang dalasin ang Oratio Imperata o obligatory prayer mula ngayong gabi hanggang sa susunod na mensahe ng Arsobispo ng Maynila.
1 2 3 4 5