|
||||||||
|
||
ASEAN Economic Integration pinag-usapan
MAY KAUGNAYAN ANG PROTECTIONIST PROVISIONS SA FOREIGN DIRECT INVESTMENTS. Ito ang sinabi ni Kalihim Arsenio M. Balisacan (gitna), ang socio-economic planning secretary and NEDA director general sa idinaos na pagpupulong hinggil sa ASEAN Economic Integration. Nasa gawing kaliwa niya si Dr. Jom Dosch (kaliwa) mula sa Rostock University sa Alemanya at G. Pushpanathan Sundram, dalubhasa sa mga nagaganap sa ASEAN at iba pang bahagi ng daigdig. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA si Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan na higit na lalalim ang economic integration ng rehiyon tulad ng inaasahan may sampung taon na ang nakalilipas.
Sa kanyang talumpati sa pagtitipong itinaguyod ng Angara Centre for Law and Economics sa Hotel Intercontinental Manila kanina, sinabi ni G. Balisacan na nakasalalay ang ASEAN Economic Community sa apat na haligi tulad ng pagbuo ng isang pamilihan at production base, pag-igting ng kompetisyon sa loob ng rehiyon, mas malawak na kaunlaran para sa lahat at mas may labang katayuan sa pandaigdigang ekonomiya.
Mayroon na ring free-trade agreements sa mga bansang Tsina, India, Japan, South Korea, Australia at New Zealand na siyang nagpalakas ng tayo ng rehiyon sa daigdig.
Maganda rin umano ang tayo ng Pilipinas sapagkat pumangalawa lamang ito sa Tsina kung average real Gross Domestic Product growth rate ang pag-uusapan. Napagtanto na rin ng Pilipinas ang kahalagahan ng investment spending at ng industry sector. Ang investment din ang mas mahalagang nakapag-ambag sa GDP growth sapagkat higit sa kalahati ng kaunlarang natamo noong 2013 ang nagmula sa sektor na ito. Sa supply side, ang industry sector naman, lalo't higit ang manufacturing, ang pinagmulan ng kaunlaran sa ekonomiya mula sa pagsasaka at maging sa services sector.
Nahaharap lamang ang Pilipinas sa dami ng mga walang hanapbuhay sapagkat umabot ito sa 7% na mas mataas sa ASEAN average na mula 3 hanggang 4% lamang. One-fifth ng mga mamamayan ang under-employed kahit tumataas ng napakabagal ng bahaging mula sa may sahod na mga manggagawa.
Sa pagsasanib ng mataas na bilang ng kahirapan at kawalan ng hanapbuhay, mapapawi ang anumang katatagang natamo sa pag-unlad ng ekonomiya. Nabatid ng Pilipinas sa karanasan ng mga kalapit-bansang Tsina, Thailand, Vietnam at Indonesia na ang pagpapanatili ng palatuntunang magbabawas ng kahirapan ay nakasalalay sa pagbabagong-anyo ng paggawa mula sa low-productivity patungo sa high productivity.
Ayon kay Kalihim Balisacan, kinabibilangan ito ng paglawak ng may-uring mga hanapbuhay sa labas ng sektor ng pagsasaka. Ang masiglang sektor ng pagsasaka ang pagmumulan ng transformation.
May dalawang mahahalagang nararapat gawin ang pamahalaan na may kinalaman sa investments at infrastructure. Kahit pa bahagyang gumanda ang capital formation sa Pilipinas, isa ito sa pinakamababa sa ASEAN sa pagsukat sa gross capital formation na bahagi ng Gross Domestic Product. Sa mga kalapit bansa, tuloy ang pagtaas ng Foreign Direct Investments.
Maliit umano ang Foreign Direct Investments dahilan sa protectionist policies. Sa panahon ng regional at intra-industry trade sa loob ng Asia at sa ASEAN, makasasama ang protectionist policies. May ugnayan ang Foreign Direct Investments at economic growth, dagdag pa ni Kalihim Balisacan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |