|
||||||||
|
||
800,000 manggagawa, apektado ni "Ruby", ILO maglalaan ng US$ 1.5 milyon
UMABOT sa 800,000 manggagawa ang apektado ni "Ruby." Ito ang taya ng International Labour Organization sapagkat napinsala, nawala o naudlot ang kanilang pinagkakakitaan.
Mayroong 370,000 ang nasa mapanganib na hanapbuhay, mahirap ang kinalalagyan at tatanggap ng anumang trabahong iaalok sa kanila. Sa kanilang pagtataya, walong rehiyon ang apektado ng bagyo tulad ng Eastern, Central at Western Visayas, Caraga, Bicol, Calabarzon, Mimaropa at maging ang Metro Manila.
Pinakamaraming apektadong manggagawa ang mula sa Eastern Visayas samantalang karamihan sa kanila ang nakababawi pa lamang sa pinsalang idinulot ni "Yolanda" noong nakalipas na taon.
Higit sa 350,000 mga manggagawa o 20% ng buong bilang ng mga may trabaho sa Eastern Visayas ang apektado ng bagyo. Higit sa kalahti sa kanila ang nasa mapanganib na katayuan.
Karaniwang nakapapasok sa Pilipinas ang 20 mga bagyo sa bawat taon kaya't ang bansa ang ikatlo sa pinakamadalas magkaroon ng mga trahedya. Napuna ring lumalakas at higit na nakamamatay ang mga bagyong dumarating.
Handa ang International Labour Organization na maglaan ng US$ 1.5 milyon upang suportahan ang pamahalaan sa pamamagitan ng emergency employment at sustainable livelihood.
Sinabi ni ILO Country Director Lawrence Jeff Johnson hindi lamang salapi ang kanilang iniipon ngayon sapagkat tumutulong din silang magkaroon ng panibagong kakayahan ang mga manggagawa, kumita na makataong sahod at magkaroon ng access sa mas mabuting uri ng hanapbuhay.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |