KUMPIRMADO ng Malacañang na nagbitiw na si Health Secretary Enrique Ona.
Ayon sa pahayag ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. sinabihan na ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. si Health Secretary Enrique T. Ona na tinanggap na ni Pangulong Aquino ang kanyang pagbibitiw mula ngayon.
Walang anumang dahilang ibinigay si Kalihim Coloma sa pagbibitiw ni Dr. Ona. Naunang sinabi ng Malacanang na wala silang alam sa pagbibitiw ni Kalihim Ona kahit pa sunod-sunod ang mga balitang lumabas na ipinadala na ni Dr. Ona ang kanyang liham ng pagbibitiw kay Pangulong Aquino.
Bago siya nagbitiw, humiling si Dr. Ona ng extended leave matapos siyang hingan ng paliwanag kung bakit siya bumili ng P800 milyong halaga ng pneumococcal conjugate vaccine 10 na mas mura sa PCV 13 na inirikomenda ng World Health Organization.
Sinisiyasat na rin ng National Bureau of Investigation ang sinasabing transaksyon. Tumanggi si Dr. Ona na may mali siyang ginawa. Unang lumabas ang balita sa telebisyon na hinakot na ni Dr. Ona ang kanyang kagamitan mula sa tanggapan pauwi sa kanyang tahanan.
1 2 3 4 5