|
||||||||
|
||
Kahilingan ni Senador Jinggoy Estrada na makalabas, tinanggihan
HINDI pumayag ang mga mahistrado ng Fifth Division ng Sandiganbayan sa kahilingan ni Senador Jose "Jinggoy" Estrada, Jr. na makalabas ng piitan para sa Pasko at Bagong Taon.
Batay sa resolusyon na inilabas ngayong Biyenres, tumanggi ang Sandiganbayan sa kahilingan sapagkat magiging dahilan ito ng masamang gawi at maglalagay sa katatawanan sa paggagawad ng katarungan.
Ayon sa resolusyon, sa pagiging detention prisoner ni G. Estrada, hindi siya mabibigyan ng pagkakataong magamit ang kanyang mga karapatan, maging sibil o political tulad ng iba pang mga napipiit.
Sumangayon ang Sandiganbayan sa pahayag ng taga-usig na ang pagbibigay sa kahilingan ng akusado na makalabas sa kanyang piitan ay hindi lamang magiging masamang halimbawa kungdi pagyurak sa pagpapatupad ng katarungan. Bagaman, sinabi ng hukuman na ang hindi pagpayag sa kahilingan ni Ginoong Estrada ay hindi naman nagsasabing nagkasala na siya sa mga usaping ipinarating sa Sandiganbayan.
Ginawa ng fifth division ang desisyon sa gitna ng kontrobersya hinggil sa kahilingan ng mga mahistrado na palitan na sila sa pagdinig sa kasong plunder at graft sa sinasabing personal na dahilan.
Hindi nakita ang mga mahistrado na binubuo nina Associate Justice Roland Jurado, Associate Justices Alexander Gesmundo at Ma. Theresa Estoesta sa nakatakdang pagdinig kanina.
Autorisado lamang ang clerk of court na tanggapin ang mga nakasulat na pahayag na pabor at kontra sa kahilingang makapagbakasyon sa Pasko at Bagong Taon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |