|
||||||||
|
||
Punonglungsod ng Iligan, inakusahan
IPINAGSUMBONG ng Criminal Investigation and Detection Group sa Northern Mindanao ng multiple murder and multiple frustrated murder sima Iligan City Mayor Celso Regencia at 14 na iba pa sa pagtatangkang pagpatay kay Iligan City Congressman Vicente Belmonte noong nakalipas na ika-11 ng Disyembre. Magugunitang tatlo katao ang nasawi sa insidente.
Nakaligtas sa pananambang si Belmonte sa kanyang paglabas sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental matapos maglakbay mula sa Maynila. Tatlo sa kanyang mga kasama, kabilang ang kanyang police escort, ang nasawi.
Isang suspect na kinilala sa pangalang Dominador Tumala ang nadakip at nasamsam ang ilang mga sandatang nakatago malapit sa paliparan.
Ayon sa lumabas na impormasyon, ang mga usapin ay ipinarating na ni Sr. Supt. Alexander Tagum sa Misamis Oriental Prosecutors Office upang higit na masiyasat.
Bubuo ang provincial prosecutor ng isang lupon upang magsagawa na preliminary investigation sa mga reklamo laban kay Regencia sa iba pang mga pinaghihinalaan.
Nagmula ang reklamo sa mga ebisensyang naipon ng CIDG, Misamis Oriental Provincial Office, Special Investigation Task Force Belmonte, Regional Investigation Unit at maging ng National Bureau of Investigation.
Hindi pa nakakausap ng mga taga-media si Mayor Regencia.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |