|
||||||||
|
||
Food security, kalusugan at mga trahedya, napag-usapan sa APEC
MAHAHALAGANG paksa ang pinag-usapan sa unang APEC Senior Officials Meeting and Related Meetings na sinimulan noong ika-26 ng Enero hanggang noong Sabado, ika-7 sa buwan ng Pebrero. Nakatuon sa temang "Building Inclusive Economies, Building a Better World," ang pagpupulong sa Clark at Subic Freeport Zones.
Nabigyang-pansin sa APEC Oceans and Fisheries Working Group ang kahalagahan ng industriya ng pangisdaan at papel ng matatag na aquaculture sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain, matatag at maasahang hanapbuhay at kaunlaran ng ekonomiya. Kailangang masugpo ang iligal, walang regulasyon at walang pag-uulat sa dami ng isdang nakukuha sa karagatan.
Sa darating na Oktubre, sa Iloilo, ang Ocean and Fisheries Working Group at Policy Partnership for Food Security ang magsasama para sa High-Level Policy on Food Security and Blue Economy.
Si Undersecretary Asis Perez ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang namumuno sa working group at Policy Partnership.
Palalakasin din ang pagtutulungan at mga programa para sa healthcare systems na siyang tutugon sa layuning Healthy Asia – Pacific Region. Layuning mapalawak ang universal healthcare coverage, prevention at control ng mga karamdamang 'di nakakahawa, pagpapatatag ng health financing, food safety at paghahanda para sa epektibong pagtugon sa mga nakahahawang mga karamdaman.
Napag-usapan din ng mga kinatawan ng APEC member economies ang lawak ng pinsalang idinudulot ng mga trahedya sa buhay, kabuhayan at kalakal sa idinaos na Emergency Preparedness Group. Binigyang-pansin ang kahalagahan ng paghahanda at madaliang pagtugon sa mga emerhensya at trahedya upang mabawasan ang pinsala sa buhay at ari-arian.
Apat na paksa ang tinalakay ng mga delegado tulad prevention and mitigation, preparedness, response at recover and technology na makatutulong sa pagbabawas ng pinsala. Si Undersecretary Alexander Pama ng National Disaster Risk Reduction Management Council ang namuno sa talakayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |