Ibayong pagsisiyasat sa pagpasalang sa mga mamamahayag, hiniling
PORMAL na hiniling ni Senador Aquilino Pimentel III sa Senado na magsagawa ng masinsinang imbestigasyon sa serye ng mga pagpaslang sa mga mamamahayag kasunod ng pagbaril at pagkamatay ng isang brodkaster sa Bohol.
Si Pimentel ang namumuno sa Senate Committee on Justice. Siya ang humiling na suriin ang mga pagpaslang sa mga mamamahayag na karaniwang mula sa Mindanao upang mabatid ang pinagmumulan ng mga ito.
Nanawagan siya sa pulisya na kumilos at dakpin ang mga salarin. Kinondena ng mambabatas ang pagpaslang kay Maurito Lim ng Tagbilaran na nakadagdag sa masamang imahen ng bansa bilang nangunguna sa pinakamapanganib na pook sa pamamahayag.
Umabot na umano sa 80 ang mga mamamahayag na napaslang mula noong 1992. Karamihan ng mga salarin ay 'di pa nadarakip. May mga napaslang dahilan sa kanilang propesyon. Ayaw na ring tumestigo ng mga nakasaksi sa pangambang mapahamak pa sila.
1 2 3 4 5