|
||||||||
|
||
Manggagawang Filipino, pinugutan sa Saudi Arabia
ISANG manggagawang Filipino ang pinugutan noong nakalipas na Lunes sa Kaharian ng Saudi Arabia.
Ito ang nabatid sa pahayag ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay ngayon hapon.
Ikinalulungkot umano niyang ibalita ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa isa sa mga manggagawang Filipino sa Saudi Arabia dahilan sa pagpaslang sa kanyang amo noong 2007.
Kinilala ni Pangalawang Pangulong Binay ang napugutan sa pangalang Joven Esteva, tubong General Santos City. Pinugutan siya noong Lunes matapos tumanggi ang pamilya ng biktima na taal na taga-Saudia Arabia na lumagda sa dokumento ng pagpapatawad na kailangan upang huwag matuloy ang pagpaparusa.
Humiling ng panalangin si G. Binay samantalang nagluluksa at naghihintay ng ulat mula sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
Sa ngayon, may 80 mga manggagawang Filipino ang nasa death row sa buong daigdig. May 27 ang nasa Saudi Arabia. Idinagdag pa ni G. Binay na binibigyan naman ng serbisyong legal ang mga manggagawa at ginagawa ang lahat upang huwag mapatawan ng parusang kamatayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |