|
||||||||
|
||
Sibuyas, 'di nagkukulang
PINABULAANAN ni Agriculture Secretary Proceso J. Alcala ang pangamba ng marami na magkukulang ang sibuyas sa Gitnang Luzon. Idinagdag ng kalihim na ang mababang presyo ng sibuyas ay maaaring dahilan sa malaking inani at hindi sa pag-iimbak ng mga inangkat na sibuyas.
Sa isang pahayag, nanawagan si G. Alcala sa mga nasa industriya ng sibuyas na makipagtulungan sa pagbuo ng mga estratehiya upang matulungan ang mga magsasaka at maiwasan ang pagkalugi sa pagbaha ng produkto na nagpapababa ng presyo.
Nagaganap ang krisis kung walang mabiling produkto tulad noong magkulang ang bawang. Ito ang kanyang pahayag sa mga tagapagbalita sa Santiago, Ilocos Sur na pinagdausan ng turn-over ceremonies para sa mga kagamitan sa pangingisda sa iba't ibang samahan ng mga namamalakaya. Mababa umano ang presyo dahil maraming produktong inani ang mga mangsasaka.
Idinagdag pa ng kalihim na mas makabubuting pulbusin ang sibuyas o gawing langis upang mapakinabangan ang malaking ani.
Tiniyak ni Alcala na magkakaroon ng pagpoproseso mula sa produksyon hanggang sa pagbibili ng mga produkto upang umangat ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Samantala, niliwanag ni Bureau of Plant Industry Director Atty. Paz Benavidez II na walang anumang inilalabas na Sanitary and Phytosanitary Import Clearance sa sinumang umaangkat ng pulang sibuyas mula noong 2012 samantalang wala pang 10,000 metriko tonelada ng yellow granex o white onion ang dumating sa bansa mula noong Setyembre 2014 hanggang nitong nakalipas na Enero.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |