|
||||||||
|
||
150312melo.mp3
|
Mababang Kapulungan, nababahala sa palakad ng Ehekutibo
SPEAKER BELMONTE, LUMAGDA SA ISANG RESOLUSYON NA PUMUPUNA SA EHEKUTIBO. Nagpasa ng House Concurrent Resolution No. 10 ang apat na pinuno ng Mababang Kapulungan na nagtatanong sa diumano'y mapanikil sa kalakaran ng Ehekutibo sa pamamagitan ng Department of Budget and Management. Kasamang lumagda ang Majority at Minority Leaders at Chairman ng House Account Committee sa resolusyon. (File Photo ng House of Representatives)
NAGKAISA ang mga pinuno ng Mababang Kapulungan at nagpasa ng resolusyong nagpapahayag ng pagkabahala sa mga pamamaraan ng paglalabas ng pondo na tila sumasagka sa pagiging kapantay na sangay ng pamahalaan.
Magugunitang sa Mababang Kapulungan nakasalalay ang impluwensya ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kaya't lahat ng kanyang ninais na panukalang batas ay naipasa sa nakalipas na maglilimang taon.
Nilagdaan nina Speaker Feliciano Belmonte, Jr., Committee on Accounts Chairman Eleandro Jesus Madrona, Majority Leader Neptali Gonzales II at Minority Leader Ronaldo Zamora ang House Concurrent Resolution No.10.
Ipinadala ang HCR No. 10 sa Committee on Appropriations upang suriin at aksyunan. Nilalaman nito ang paninindigan, pagtiyak at pagpapatibay sa fiscal independence ng Congress of the Philippines.
Ayon sa mga lumagda, ang budgetary policies na ipinatutupad ng Ehekutibo sa pamamagitan ng Department of Budget and Management, sa epekto nito sa Lehislatura ang siyang naglalagay sa panganib sa kalayaan nito, at tila sumasaklaw na sa principle of separation of powers na sandigan ng Saligang Batas.
Pinuna ng mga lider ng Mababang Kapulungan ang pagpapataw ng DBM ng mahihigpit na kalakaran, paraan, alituntunin at mga kondisyon sa paglalabas at paggamit ng mga salaping inilaan ng Kongreso. Paglabag umano ito sa separation of powers.
Ikinalungkot nila na ang Hudikatura at iba pang constitutional bodies ay mayroong full control sa kanilang salapi, ang Kongreso ay inaatasang sumunod sa mga ipinatutupad nilang kalakaran sa mga tanggapang saklaw ng ehekutibo.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpasa ng ganitong resolusyon ang Mababang Kapulungan hinggil sa pamamalakad ng Department of Budget and Management sa ilalim ng dating kongresistang si Florencio Abad.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |