Board of Inquiry report, naisumite na
MATAPOS ang pagkabalam ng ilang linggo, naisumite na ni Police Director Benjamin Magalong ang buong ulat hinggil sa naganap sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force ng PNP, 18 mga MILF at limang sibilyan. Natanggap na ni acting Philippine National Police chief Deputy Director General Leonardo Espina ang ulat.
Tumanggi naman si Director Magalong na magsalita hinggil sa nilalaman ng report. Ipinaliwanag niyang mas makabubuting hintayin na lamang ang paglalathala ng laman nito. Idinagdag pa niya na balak nilang maglimbag ng 60 kopya ng ulat ay ibigay sa mga nabalo ng SAF 44.
Nakatakda sanang matapos ang ulat noong ika-26 ng Pebrero subalit hiniling ni Magalong kay Espina na ilipat ang deadline at gawing ika-anim ng Marso. Dahilan sa kakulangan ng panahong suriin ang nabatid ng operational audit team ng Board of Inquiry, humiling muli si Magalong na dagdagan pa ang itinakdang panahon na nagtapos sa araw na ito.
1 2 3 4 5