|
||||||||
|
||
International Labour Organization at DSWD, lumagda sa kasunduan
MAKIKINABANG ang mga biktima ng bagyong "Yolanda" sa pamamagitan ng kasunduang nilagdaan ng Department of Social Welfare and Development at International Labour Organization sa pagtataguyod ng matatag na pagkakakitaan sa mga iba't ibang rehiyon.
Nilagdaan nina DSWD Secretary Corazon Juliano-Soliman at ILO Country Director Lawrence Jeff Johnson ang kasunduan hinggil sa US$480,000 upang maibalik ang hanapbuhay at maitaguyod ang mga kalakal sa iba't ibang komunidad sa Tacloban City at 36 na bayan sa Leyte, Northern Cebu at Coron, Palawan.
Ayon sa kasunduan, tutulungan ang may 1,200 mga manggagawa at titiyakin ang minimum wage, social security, health at accident insurance coverage. Magkakaroon din ng personal protective equipment tulad ng mga maskara, sumbrero, mga gwantes, bota at protective clothing upang matiyak ang kaligtasan samantalang naghahanapbuhay.
Tinataya ng ILO na mayroong anim na milyong manggagawang apektado ni "Yolanda" noong nakalipas na Nobyembre 2013. May 2.6 milyong manggagawa ang maituturing na nasa mapanganib na hanapbuhay at nasa poverty line bago pa man tumama ang super typhoon.
Samantalang unti-unting nakakabalik sa normal na buhay sa unang taon mula ng tumama ang bagyo, tumama na naman ang mga bayong "Ruby" at "Seniang" noong Disyembre 2014 na nakaapekto sa parehong mga komunidad. Libo-libong mga manggagawa ang walang sapat na makataong hanapbuhay at maaasahang pagkakakitaan.
Ang kasunduan ay nalagdaan sa panahon ng paglisan ng iba't ibang international humanitarian agencies at ang pinagtutuunan na ay ang pangmatagalang pagpapaunlad sa tulong ng pamahalaan.
Ayon kay Secretary Soliman, ang pagtutulungan ng kanyang tanggapan at ILO ang siyang magiging daan upang magkaroon ng matagalang pagkakakitaan ang mga biktima ng bagyo. Magtatagal ang programa hanggang sa Hunyo ng taong ito. Gagamitan ang mga programa sa ilalim ng Cash for Building Livelihood Assets at Community-Driven Enterprise Development samantalang susuportahan ang karanasan ng ILO sa paglalaan ng makataong hanapbuhay.
Sa panig ni G. Johnson, suportado ng kanyang tanggapan ang pamahalaan ng Pilipinas sa pagsasaayos ng mga napinsala sa pamamagitan ng makataong hanapbuhay.
Hanggang noong nakalipas na Lunes, higit na sa 15,300 mga manggagawa o 76,500 mga kamag-anak ng mga manggagawa ang natulungan sa ilalim ng emergency employment program sa Coron, Northern Cebu, Leyte, Ormoc at Tacloban cities.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |