|
||||||||
|
||
Dinukot na mayor, pinaghahanap pa
PINAGHAHANAP pa ng mga kawal at pulis ang dinukot na punongbayan ng Naga, Zamboanga Sibugay na si Gemma Adana. Ayon sa pinakahuling impormasyon, ang Joint Task Force Zamboanga at Zamboanga Sibugay Provincial Police Office ang naglunsad ng security patrols sa karagatan ng Naga, Kabasalan at Imelda sa Zamboanga Sibugay.
Dinukot umano si Mayor Adana ng may anim na armadong kalalakihang nakasuot ng uniporme ng mga kawal sa kanyang tahanan sa Barangay Taytay Manubo sa kainitan ng pagdiriwang ng kanilang piyesta.
Lima sa mga armado ang pumasok sa kinalalagyan ng alkalde at pinadapa ang mga tao. Dalawa sa mga armado ang naka-bonnet at siyang humawak sa punongbayan samantalang ang tatlong iba pa ang nanutok ng kanilang mga sandata sa mga mamamayang naroon.
Mayroong isang police escort at tatlong civilian personal security details ang biktima subalit wala ang tauhan ng PNP samantalang hindi naman nakapanglaban ang tatlong iba pa.
Tanging ang ama ng biktima ang nakapagpaputok samantalang papalayo ang mga armado. Kagagawan umano ni Waning Abdusalam ang insidente. Mayroon siyang mga warrants of arrest sa ilang mga usapin tulad ng pananakit at pagnanakaw, at abduction sa nakalipas na anim na taon.
Nagpulong na rin ang crisis management committee sa Naga at bumuo ng incident command system upang pag-ibayuhin ang pursuit operations.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |